GMA Kapuso Foundation, kinumusta ang natulungang bata na may bukol sa panga | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Kinumusta ng GMA Kapuso Foundation ang isang batang may malaking bukol sa panga na tinulungan nito noong 2012.

GMA Kapuso Foundation, kinumusta ang natulungang bata na may bukol sa panga

By MARAH RUIZ

Noong apat na taong gulang pa lang si Angelica Mora, nagkaroon siya ng malaking bukol sa panga na naagmula daw sa simpleng sugat.

Kaya noong 2012, inilapit ng kanyang lola na si Nelia Pagulayan ang kundisyon niya sa GMA Kapuso Foundation.

Agad naman itong tinugunan at pinakunsulta ng GMA Kapuso Foundation ang kalagayan ng bata. Lumabas na may ameloblastoma o tumor sa panga si Angelica.

"Any tumor, especially in children, is always a cause for alarm. One, it could be disfiguring, tapos number two, nandoon 'yung posibilidad na 'yun ay isang malignancy or cancer. Bago siya lumaganap, kailangan maalis mo na siya," paliwanag ni Dr. Hector Santos, plastic surgeon sa East Avenue Medical Center, tungkol sa bukol sa panga ni Angelica.

Noong taong ding iyon napaoperahan si Angelica.

Matapos ang mahigit isang dekada, binalikan ng GMA Kapuso Foundation si Angelica para kumustahin.

Wala na ang bukol sa kanyang panga at nagkaroon na rin ng kumpiyansa sa sarili.

 

 


"Ngayon po, nakakalabas na po ako. Nakakasama ko na po 'yung mga kaibigan ko po. Ngayon po nakakain ko po 'yung gusto ko," lahad ni Angelica.

Bilang regalo, hinandugan din siya ng grocery packs, vitamins at hygiene kits ng GMA Kapuso Foundation.

"Marami pong salamat sa GMA Kapuso Foundation. Wala po silang sawa sa pagtulong sa akin," pasasalamat ni Angelica.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.