GMA Kapuso Foundation, nakipagtulungan sa Philippine Red Cross at Junior Chamber International para sa malawakang blood drive | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nakalikom ng 1,147 blood bags ang nationwide blood drive ng GMA Kapuso Foundation, Philippine Red Cross at Junior Chamber International.

GMA Kapuso Foundation, nakipagtulungan sa Philippine Red Cross at Junior Chamber International para sa malawakang blood drive

By MARAH RUIZ

Bumaba ang mga nagdo-donate ng dugo noong panahon ng mahigpit ng quarantine.

Kaya naman noong World Blood Donor Day noong June 14, isa ang GMA Kapuso Foundation sa mga naging katuwang sa muling pagpapalakas ng blood donation sa bansa.

Pumirma ng memorandum of agreement ang GMA Kapuso Foundation, Philippine Red Cross at Junior Chamber International para sa Juan For All Nationwide Bloodletting Activity.

"Sinimulan itong project 2018, tapos after noong pandemic, hindi po tayo makakuha ng dugo. Ngayon sobrang masaya po tayo na nakapagsimula ulit tayo," pahayag ni Joshua Aragon, chairman ng Juan For All Nationwide Bloodletting Activity.
 

 

 

 



Nakiisa rin sa proyektong ito ang Armed Forces of the Philippines.

"Ito ay isang paraan para maipakita natin sa tao ang pagbibigay ng proteksiyon at ito ay sa pamamagitan ng pagliligtas ng buhay, lalo na 'yung mga nangangailangan ng dugo," lahad ni Col. Medel M. Aguilar, Deputy Commander of Civil Relations Service, AFP.

Nakalikom ng 1,147 blood bags ang Juan For All Nationwide Bloodletting Activity.

"Ang dugong makukuha natin dito, mapupunta po 'to sa iba't ibang mga Red Cross Blood Service Facility," paliwanag ni Dr. Gwendolyn Pang, secretary general ng Philippine Red Cross.

"Thank you so much po sa mga nag-donate lalo na ngayon na ang daming mga Pilipino ang medyo nahihirapan," dagdag naman ni Rikki Escudero-Catibog, Executive Vice President and Chief Operating Officer ng GMA Kapuso Foundation.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Pwede ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.