GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng wheelchairs at food packs sa PWDs ng Negros Oriental | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nagbigay ang GMA Kapuso Foundation ng wheelchairs at food packs par sa persons with disability or PWD sa Guihulngan, Negros Oriental.

GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng wheelchairs at food packs sa PWDs ng Negros Oriental

By MARAH RUIZ

Magsasaka ng gulay si Arpil Velaspin na mula sa Guihulngan, Negros Oriental. Pero nakaupo siya kung magtanim dahil mahigit dalawang dekada na simula noong ma-paralyze ang kanyang mga paa matapos mahulog sa puno noong 2000.

Nakakakilos siya sa tulong ng sako, kahoy at gulong na itinatali niya sa kanyang mga binti.

"Masisira 'yung damit ko kapag walang sapin na nilalagay. Kapag walang gulong, mahihirapan ako gumalaw. Ang sako, nagsisilbing proteksiyon ng balat para hindi masugatan ng mga bato," paliwanag ni Arpil.

Kumikita si Arpil ng P600 kada linggo at ito ang paggastos sa pang-araw araw nila ng kanyang ina.

"Kahit ganyan ang sitwasyon niya, gusto talaga niya makatulong para mabuhay kami," paglalarawan ng nanay niyang si Fernanda Valespin kay Arpil.

 

 

Bilang pakikiisa ng GMA Kapuso Foundation sa palapit na National Disability and Rehabilitation Week, naghandog ito ng 21 adult wheelchairs at food packs para sa mga persons with disability o PWD sa Guihulngan, Negros Oriental, kasama si Arpil.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyektong ito ang Lotus Tools Philippines, Siquijor Skylodge Mountain Resort, 11th Infantry Battalion ng Philippine Army, MSWDO Siquijor at PNP Siquijor.

Sa mga nangangailangan ng wheelchair, makipag-ugnayan sa official Facebook page ng GMA Kapuso Foundation sa ilalim ng Kapuso Kalusugan Konsulta Project.

Siguraduhing tama ang Facebook account na kokontakin. Meron dapat itong blue check na nagpapatunay sa verified account nga ito ng GMA Kapuso Foundation.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.