GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng wheelchairs at food packs sa mga PWD sa Siquijor | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nagbigay ang GMA Kapuso Foundation ng wheelchairs at food packs para sa mga persons with disability or PWD sa Siquijor.

GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng wheelchairs at food packs sa mga PWD sa Siquijor

By MARAH RUIZ

Hindi sa paa kundi sa tuhod isinusuot ni Alfonso Balansang mula sa Maria, Siquijor ang tagpi-tagpi niyang mga tsinelas.

Naparalisa kasi ang kanyang mga paa mula nang tamaan ng polio noong siya ay isang taong gulang pa lang. Dahil dito, naglalakad siya nang paluhod.

"Masakit, 'yung tuhod ko may kalyo na," pahayag ni Alfonso.

"Binalot niya ng lumang damit tapos tinahi niya ang mga tsinelas na luma," paliwanag ni Marina Daguman, kapatid ni Alfonso, tungkol sa proteksiyon nito sa tuhod.

Paggawa ng walis tingting ang kabuhayan ni Alfonso at naibebenta ito ng 35 pesos kada isang piraso. Gusto man niyang bumili ng wheelchair, sapat lang ang kita para sa araw-araw na gastusin.

"Naaawa ako kasi ganyan talaga siya since birth pa, noong maliit pa, pero nakakatulong siya sa pamilya," papuri ni Marina kay Alfonso.

Ginugunita ang National Disability Prevention and Rehabilitation Week tuwing ikatlong linggo ng July. Bilang pakikiisa rito, naghandog ang GMA Kapuso Foundation ng wheelchairs at food packs para sa 15 taong may kapansanan sa Siquijor, kabilang na si Alfonso.

"Salamat sa GMA Kapuso Foundation, matutupad na 'yung pangarap niya na magka-wheelchair," mensahe ni Marina.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proeyktong ito ang Lotus Tools Philippines, Siquijor Skylodge Mountain Resort, 11th Infantry Battalion ng Philippine Army, MSWDO Siquijor at PNP Siquijor.

Sa mga nangangailangan ng wheelchair, makipag-ugnayan sa official Facebook page ng GMA Kapuso Foundation sa ilalim ng Kapuso Kalusugan Konsulta Project.

Siguraduhing tama ang Facebook account na kokontakin sa pamamagitan ng blue check na nagpapatunay sa verified account nga ito ng GMA Kapuso Foundation.

 

 

 

 

 

 

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.