GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa Narvacan at Bantay, Ilocos Sur | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa mga apektado ng Bagyong Egay sa Narvacan at Bantay, Ilocos Sur.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa Narvacan at Bantay, Ilocos Sur

By MARAH RUIZ

Mahirap pumasok sa ilang lugar sa Ilocos Sur dahil napinsala ng Bagyong Egay ang ilang mga tulay dito.

Isa sa mga lugar na na-isolate ay ang Barangay Nanguneg West sa Narvacan.

Ang mga bahay ng ilang residente dito, nasira rin. Kabilang diyan ang tahanan ni Crisanta Britanico na nasira dahil sa lakas ng alon at tuluy-tuloy na pagbaha.

"Masakit talaga. Parang hindi ko na magtanggap itong nangyayri sa amin. Ganito na mahirap na kami, wala pa kaming matirahan, wala kaming lahat," pahayag ni Crisanta.

Nahirapan din sa paglikas si Mylene Vicente na mula sa Bantay, Ilocos Sur.

"Mahirap 'yung naranasan namin kasi 'yung asawa ko hindi makalakad. Iniisip ko kung paano namin ililikas kasi mataas na 'yung tubig," paggunita ni Mylene.

Naging sandalan naman ng ilang pamilya ang Kapuso classrooms sa Narvacan North Central School.

Sa ilalim ng Operation Bayanihan, tinawid ng GMA Kapuso Foundation ang Brgy. Nanguneg West para maghatid ng food packs para sa 8,000 residente sa Narvacan at Bantay, Ilocos Sur na apektado ng Bagyong Egay.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation ang Municipal Welfare and Development Office-Narvacan, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office-Narvacan, Regional Health Unit-Narvacan, Philippine National Police-Narvacan, Bureau of Fire Protection-Narvacan, Philippine Army 102 CDC, IRCG, RESCOM at Philippine Coast Guard Narvacan.

 

 

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.