GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng maagang pamasko sa ilang batang cancer survivor | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Ipinasyal at binigyan ng regalo ng GMA Kapuso Foundation ang ilang batang cancer survivor.

GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng maagang pamasko sa ilang batang cancer survivor

By MARAH RUIZ

Masayahin, masigla, at isa pang academic achiever ang 11-year-old na si Christian Ivan Bulac.

Hindi batid na sa murang edad ay dumaan na siya sa matinding pagsubok. Noong three years old pa lang si Ivan, labas-pasok siya sa ospital matapos ma-diagnose ng acute lymphocytic leukemia noong 2015.

"Maputla, kaya pala 'yung puti niya hindi normal. Saka 'yung tuhod niya, laging iniinda, parang ayaw niyang lumakad. Tinatamad siyang maglakad, parang masakit. Tinatamad siya, 'yun pala 'yung buto niya, masasakit na," paggunita ni Mary Jean Bulac, nanay ni Ivan tungkol sa kundisyon nito.

Noong taon ding 'yun, napabilang si Ivan sa Kapuso Cancer Champions Program ng GMA Kapuso Foundation. Salamat sa tulong ng donors, nabigyan si Ivan ng gamot para sa kanyang chemotherapy at bumiti na ang kanyang lagay nitong 2020.

"Dati po, lagi pong masakit po katawan ko. Hindi po ako makalakad nang maayos po. Ngayon po okay na po. Nakakalakad na po ako nang maayos," lahad ni Ivan.

Dahil dito, sinisikap ng nanay niyang si Mary Jean na tumulong din sa iba.

"Nakita ko na nabuhay ang anak ko dahil sa mga tulong ng ibang tao kaya ibinabalik ko lang po 'yung kabutihan ni Lord," aniya.

Bilang pakikiisa sa World Leukemia Awareness Month ngayong September, nagbigay ng maagang pamasko ang GMA Kapuso Foundation sa ilang batang cancer survivors, kabilang si Ivan.

 

 


Ipinasyal sila sa isang theme park at nakatanggap pa ng mga regalo.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Ever Commonwealth, Aeon Fantasy Group Philippines Inc., at Kidzooona.

Sa mga nais magbigay ng suporta sa Kapuso Cancer Champions Program at sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.