GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng tulong sa mga binaha sa Norther Samar | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nagbigay ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa mga naapektuhan ng matinding pagbaha sa Northern Samar.

GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng tulong sa mga binaha sa Norther Samar

By MARAH RUIZ

Matinding pagbaha ang naranasan sa bayan ng Lope De Vega sa Northern Samar bunsod ng walang humpay na buhos ng ulan.

Nang humupa ang baha, nadatnan ni Elma Atencio na inanod na ang kaniyang bahay at pira-pirasong kahoy na lang ang natira rito.

"Masakit talaga 'pag wala nang bahay kasi wala ka nang babalikan. Kung wala kang pera, saan ka kukuha? Lalo na ngayon, wala kaming mga trabaho," pahayag ni Elma.

Wala silang naisalbang gamit dahil madaling araw noong tumaas ang baha.

"'Yang higaan namin, lumulutang na. Basa na 'yung mga unan namin. Ginising ko na sila. Umalis na tayo kasi nandiyan na 'yung tubig," paggunita niya.

Nanantili siya at ang kaniyang pamilya sa evacuation center ngayon.

Bilang tulong sa mga residenteng naapektuhan ng baha at pag-ulan, nagdala ang GMA Kapuso Foundation ng nagdala ng relief goods, vitamins, at sabon.

Halos 4,000 indibidwal sa Brgy. Poblacion sa Lope de Vega, Northern Samar ang natulungan ng GMA Kapuso Foundation sa ilalim ng Operation Bayanihan.
 

 

 

"Nagpapasalamat po kami kasi nagbibigay sila ng tulong sa amin. Nagbibigay sila sa amin ng lakas kasi nagbibigay sila sa amin ng pagkain," pasalamat ni Elma.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa Operation Bayanihan ang Philippine Mine Safety and Environment Association supported by the Apex Mining Group, Sta. Clara Shipping Corporation, at PA 81ID, 43rd IBN.

Sa mga nais magbigay ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa GMANetwork.com/KapusoFoundation.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.