GMA Kapuso Foundation, magbibigay ng pustiso sa dalawang beautician sa Marikina | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Kabilang sa mga bibigyan ng pustiso ng GMA Kapuso Foundation ang dalawang beautician sa Marikina.

GMA Kapuso Foundation, magbibigay ng pustiso sa dalawang beautician sa Marikina

By MARAH RUIZ

Nagtatrabaho bilang beautician sa loob ng 22 taon si Monica mula sa Marikina.

Maraming customer na ang nabigyan niya ng makeover pero hindi niya ito magawa sa kanyang sarili dahil bungi at sira-sira na ang kanyang mga ngipin.

Gusto man niyang magpagawa ng pustiso, sapat lang ang kinikitang PhP400 kada araw para sa kanyang mga pangangailangan.

"Ang mahirap doon, tumatalsik 'yung laway. Nakaka-discourage 'di ba? 'Yung customer mo, nakikipagkuwentuhan ka, biglang tumalsik," pahayag ni Warlito "Monica" Rosete.

Ganito rin ang kinahaharap ng katrabaho niya sa parlor na si Lhola. Hirap ito sa pagkain dahil wala na siyang natitirang ngipin.

"'Pag panay sabaw 'yung kinakain mo, lagi kang gutom. Siyempre manghihina ka noon," paliwanag ni Ramon "Lhola" Higgins.

Tulad ni Monica, hindi rin niya kayang magpagawa ng pustiso.

"Umaabot sa PhP18,000 ang up and down na ipin. Ang mahal yata. Hindi ko kakayanin," lahad ni Lhola.

Dahil dito, hiling niyang magkaroon ng pustiso.

"Magkaroon ako [sana] ng panibagong ipin para panibagong lasa at sustansiya sa buhay. Mabubuo na 'yung confidence ko sa sarili, 'yung tiwala. Babata na naman 'yung itsura ko, gaganda na naman ako," ani Lhola.

Kabilang sina Monica at Lhola sa mga nagpalista para sa Ngiting Kapuso Project ng GMA Kapuso Foundation. Layunin ng proyektong ito na makapagbigay ng libreng pustiso para sa mga nangangailangan nito.

 

 

Sa mga nais magbigay ng tulong sa Ngiting Kapuso at sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa GMANetwork.com/KapusoFoundation.

 

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.