ADVERTISEMENT

Public Affairs

Mga Pinoy, sari-sariling diskarte para kumita sa gitna ng pandemya

 


REPORTER'S NOTEBOOK
DISKARTENG DE GULONG
JULY 8, 2021

 

 

Sa gitna ng buhos ng ulan, tuloy sa pagdiskarte si mang Weng Perez, limampu’t anim na taong gulang.

 

 

 

Dahil sa isang aksidente sa kuryente, naputol ang kanang kamay niya at naapektuhan rin ang kanyang kaliwang kamay. Umabot sa 3rd degree burns ang kanyang sugat. Dahil umeekstra lang siya noon sa construction site at hindi isang regular na empleyado, walang siyang SSS. Kaya wala siyang nakuhang disability benefit.

 

 

 

Dahil sa kanyang kondisyon, natigil sa trabaho bilang construction worker si Mang Weng kaya naisipan niyang maglako ng street food. Halos tatlong dekada na siyang umiikot sa kanilang lugar sa Floridablanca, Pampanga para magtinda.

ADVERTISEMENT

 

 

 

Pitong buwang natigil sa pagtitinda si Mang Weng noong nakaraang taon dahil sa lockdown. Ngayon, balik-ulit siya sa kalsada para kumita. Kailangan niya kasing makaipon para sa asawang may sakit na adult-onset hydrocephalus. Hindi siya nakatanggap ng ayuda mula sa social amelioration program o SAP ng DSWD dahil hindi raw siya kwalipikado. May isang anak kasi siya na OFW sa Saudi. Pero sabi ni Mang Weng, may sariling pamilya na ang kanyang anak at hindi sila nito kayang suportahan kaya nga kailangan pa rin niyang magtinda sa kalsada.

 

 

 

Tulad ni Mang Weng, araw-araw ding nakikipagsapalaran sa kalsada si tatay Ambrosio Cabrera, animnapu’t tatlong taong gulang. Nag-iikot siya sa Balagtas, Bulacan at iba pang kalapit bayan nito kasama ang kaniyang partner na si Rosemarie. Naghahanap sila ng mga customer na magpapagawa ng sirang appliances.

 

 

 

Dati’y may repair shop sa Pasig City si tatay Ambrosio pero dahil sa mahal ng upa, napilitan siyang magsara. Para patuloy na kumita, naka-isip siya ng kakaibang diskarte gamit ang isang lumang bisikleta. Sinimulan niya ang kanyang repair shop na de padyak.

 

 

Sa mga nakalipas na buwan, dumami ang bilang ng mga nawalan ng trabaho sa formal sector o yung mga employed at may regular na sahod. Ang ilan sa kanila, nalipat sa informal sector at kanya-kanya ang naging diskarte. Katunayan, mula 15.68 million na manggagawa na nasa informal sector noong 2018, tumaas ito sa 16.3 million ngayong 2021.

Abangan ang buong kuwento ng “DISKARTENG DE GULONG” sa Reporter’s Notebook ngayong Huwebes, July 8, 2021 11:30pm sa GMA 7 pagkatapos ng Saksi.