ADVERTISEMENT
Filtered By: Balitambayan
News

College student, huli matapos magpanggap na na-kidnap para kikilan ang mga magulang


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Timbog ang isang 19-anyos na college student matapos siyang magpanggap na na-kidnap upang makapangikil sa kaniyang mga magulang sa Lipa, Batangas. Ang suspek, sinabing gagamitin niya ang pera para pambayad sa utang sa sugal.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabi ng pulisya na nakatanggap ng mensahe ang ina mula sa social media account ng anak na humihingi ng P300,000 ransom kapalit ng kaniyang paglaya.

May dalawang oras lamang umano na ibinigay na palugit para sa mga magulang.

Nagpadala rin ng video kung saan makikitang umiiyak ang estudyante, at may isa pang video na naghahabilin ang kaniyang anak sa mga magulang.

Sa pagsasagawa ng backtracking ng mga awtoridad, nahanap sa isang hotel ang estudyante at natuklasang gawa-gawa lamang ang kidnapping.

Umamin naman ang estudyante sa kaniyang nagawa.

Gagamitin niya umano ang pera pambayad ng utang sa sugal.

Mahaharap siya sa kaukulang reklamo. — Jamil Santos/ VDV, GMA News