ADVERTISEMENT
Filtered By: Balitambayan
News

Panibagong umento para sa NCR workers na P60, inaprubahan ng NCR wage board-- DOLE


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inaprubahan ng wage board ng National Capital Region (NCR) ang dagdag na P60 sa minimum wage para sa mga manggagawa sa Metro Manila sa ilalim ng Wage Order 28. Hiwalay ito sa P85 na wage hike sa ilalim ng Wage Order 27 na hindi pa naipatupad matapos may magkuwestiyon sa korte.

Sa pagtalakay sa 2027 budget ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Kamara de Repsentantes nitong Martes, hiniling ni Trade Union Congress Party (TUCP) Party-list Rep. Raymond Mendoza kay Secretary Francis Tolentino na kumpirmahin kung mayroon pang ibang wage hike order bukod sa Wage Order 27 na nakabinbin sa korte sa Pasig City.

Sinabi ni Tolentino na kailangang humanap ng paraan ang wage board upang matugunan ang pangangailangan ng mga manggagawa sa loob ng taon.

Paglilinaw ni DOLE NCR Regional Director Roy Buenafe, inaprubahan ng NCR wage board noong Lunes ang Wage Order 28 na nagbibigay ng P60 na dagdag sa minimum wage ng mga manggagawa sa Metro Manila.

“Wage Order 27, Mr Chair, is with the court and we believe in the Wage Board that it has not attained its full effectivity, your honor,” dagdag ni Buenafe.

Sa ilalim ng WO 27, ipatutupad sana ng dalawang bigayan ang P85 na umento—P60 dapat nitong nakaraang Hulyo, at P25 sa Enero 2027. Pero hindi ito naipatupad habang dinidinig ng korte ang usapin.

Pinuna ni Mendoza ang pagpapalabas ng WO 28 na maaaring magbigay ng komplikasyon sa WO 27. Bukod sa posibleng bumababa ang orihinal na wage hike na P85 kada araw na maging P60, maaari din umanong malagay sa alanganin ang posibilidad ng backpay para sa implementasyon ng WO 27 na dapat naibigay noong Hulyo.

“If you issue Wage Order 28, hindi pa tapos yung [WO] 27, ako, I’ll be inclined to join Mr. Eli here to defer… let’s move forward, let's talk on how we are going to find ways to find that solution, Mr Secretary, but issuing another Wage Order 28 is a complete no-no. Hindi pwede,” ayon kay Mendoza.

Nauna nang nagkaroon ng mainitang debate si Kamanggagawa Partylist Rep. Eli San Fernando kay Tolentino kaugnay ng desisyon ng DOLE na huwag ipatupad ang P85 dagdag-sahod sa kabila ng kabiguan ng mga petitioner na mag-post ng bond.

Ipinaliwanag ni Buenafe na ang bagong P60 dagdag-sahod ay unang tranche lamang ng nakatakdang P85 increase. Ayon naman kay Tolentino, ang natitirang P25 ay para sa susunod na taon.

“The decision of the wage board in coming up with the P60 increase … we believe it is the best way we can deliver immediately what has been awaited by the workers, which is the first tranche of Order 27,” dagdag ni Buenafe.

Ipinadala na ang WO 28 sa National Wages and Productivity Commission, na kapag inaprubahan ay ipatutupad sa darating na September 26 o 27. — FRJ, GMA News