ADVERTISEMENT
Filtered By: Balitambayan
News

Donna Vekic, ‘di makabawi kay Alex Eala sa Kooyong Classic sa Australia


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Si Alex Eala pa rin ang nanaig sa muling pagtutuos nila ni Paris Olympic silver medalist Donna Vekic sa Kooyong Classic sa Australia nitong Miyerkules sa iskor na 6-3, 6-4.

Nauna nang tinalo ng 20-anyos na si Eala ang 29-anyos na Croatian na si Vekic sa ASB Classic noong nakaraang linggo sa Auckland, New Zealand sa iskor na 4-6, 6-4, 6-4.

Sa muli nilang paghaharap, naging mabagal ang simula ni Eala at nakuha ni Vekic ang maagang 2-1 na kalamangan sa unang set. Ngunit bumawi ang Pinay tennis star at nakuha ang apat na sunod na laro para maitala ang 5-3 na abante mula sa sunod-sunod na error ng Croatian tennis ace.

Ang isa pang error ni Vekic ang nagbigay-daan kay Eala upang maselyuhan ang panalo niya sa unang set, 6-3.

Gaya ng unang set, si Vekic muli ang nakakuha ng maagang kalamangan na 2-0. Ngunit hindi na naman nagpasindak si Eala ang kinabig ang sunod na apat na laro para maagaw ang abante sa 4-2.

Tinangka naman ni Vekic na makatabla nang makakuha siya ng “ace” at iposte ang 4-3 na iskor. Pero nakuha naman ni Alex ang sunod na laro, 5-3.

Ipinakita naman ni Vekic na hindi siya basta-basta susuko nang maidikit muli ang iskor sa 5-4.

Subalit hindi iyon naging sapat dahil kinuha na ni Alex ang sunod na laro para muling angkinin ang tagumpay sa muli nilang paghaharap.—Bea Micaller/FRJ, GMA Integrated News

Tags: Tennis, Alex Eala