Manila fan-con ng Momoland sa Agosto, kinansela dahil sa 'unforeseen circumstances'
Kinansela ang nakatakdang ika-10 anibersaryong fan-con ng Momoland sa Maynila nagaganapin sana sa darating na Agosto.
Sa isang pahayag na inilathala sa Facebook nitong Martes, inanunsyo ng event organizer na Three Angles Production, na hindi na matutuloy ang Momoland 10th Anniversary FAN-CON "Very Merry Party" sa Maynila, na nakatakdang idaos sa Agosto 8, 2026, dahil sa "unforeseen circumstances beyond our control."
"On behalf of the organizer, we would like to extend our most sincere apologies to everyone who has been looking forward to sharing this special anniversary with MOMOLAND in Manila," saad sa pahayag.
Sinabi ng organizer na ire-refund ang lahat ng nabiling tiket sa pamamagitan ng Megatix Asia. Ipadadala naman ang mga instruction at schedule ng refund sa mga ticket holder sa pamamagitan ng kanilang email address.
Humingi rin ng pang-unawa ang Three Angles Production sa mga tagahanga habang isinasagawa ang proseso ng refund.
"We are truly grateful for the understanding and support of the Filipino Merries. Although we are unable to celebrate together this time, we remain hopeful for the opportunity to meet again in the future," saad ng organizer.
Huling bumisita ang Momoland sa Maynila noong 2022, at nagtanghal sila sa "Ripples For Hope 2022: A K-pop Friendship Day & Night" sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kabilang din sa mga nagtanghal sa naturang event ang AKMU at Everglow.
Kilala ang Momoland sa kanilang hit na awiting "Bboom Bboom."
Taong 2023 nang maghiwa-hiwalay ang mga miyembro ng grupo at ang kanilang dating ahensiya na MLD Entertainment matapos ang kanilang mga kontrata. Kasabay nito, inanunsyo rin nila ang kanilang disbandment.
Noong 2024, lumagda si Nancy McDonie, isa sa mga miyembro ng grupo, sa Sparkle. Lumabas din siya bilang isa sa mga guest sa "Running Man Philippines" Season 2.
Nagbalik ang Momoland sa industriya ng musika noong 2025 sa pamamagitan ng kantang "Rodeo." — Jade Veronique Yap/FRJ, GMA News