ADVERTISEMENT
Filtered By: Balitambayan
Showbiz

Jeric Raval, aminadong napapaaway noon dahil sa pagiging action star; feeling Steven Seagal 'pag nakainom


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Natatawang binalikan ni Jeric Raval ang mga karanasan niya noong kaniyang kabataan na may pagkakataong napapaaway siya kapag may nais sumusubok sa kaniyang pagiging action star. Pakiramdam din daw niya noon, para siyang si Steven Seagal kapag nakakainom.

“Sa labas naman, siyempre, ‘pag action star ka, akala nila talagang top guy ka, magaling ka. 'Yung ginagawa mo sa pelikula, kaya mo gawin sa tunay na buhay. Hindi nila naiintindihan pelikula lang ‘yan, image lang ‘yan,” sabi ni Jeric sa nakaraan niyang guesting sa Kay Susan Tayo! Vlogs ni Susan Enriquez.

“Gusto kang subukan at that time,” dagdag pa niyang kuwento noong napapaaway siya sa mga bar.

“There was a time may bar dito sa malapit sa Sgt. Esguerra. Napaaway ko doon. Away-lasing lang,” lahad niya.

Sabi raw sa kaniya ng customer, “‘Pabayaan niyo ‘yan. Wala naman ‘yan. Gugulpihin ko lang 'yan eh.’”

Pero sa tuwing nakakainom, pakiramdam daw niya, siya ang American action star na si Steven Seagal.

“Eh, nu'ng araw kasi, 'pag nakainom ako, feeling ko, dalawa ang pakiramdam ko nu'ng araw ha? I'm talking of 1997. Noong araw, hindi na po ito ngayon, pakiramdam ko ako si Steven Seagal. Pakiramdam ko, guwapo ako,” natatawa niyang kuwento.

“Pinagpapapatulan ko 'yung mga walang kuwentang away, walang kuwentang usapin. Siyempre hindi man tayo magpapauna. Isang malaking kahihiyan. Alam mo, 'pag action star ka at [kapag] nagulpi ka, laos ka agad-agad,” dagdag pa ni Jeric, na nagbibilin din na hindi dapat gayahin ang ginagawa niya noon.

Nakadagdag naman sa tapang ni Jeric ang kaniyang kaalaman sa kickboxing dahil sa training na ginagawa niya bilang action star.

May waiter din umano na nagbibigay sa kaniya ng impormasyon kapag may customer na mainit ang tingin sa kaniya.

Tunghayan sa Kay Susan Tayo! Vlogs kung paano nadiskubre si Jeric bilang action star, at sino ang mga action star na kaniyang iniidolo, pati na ang stunt na kaniyang ginawa at nadisgrasya siya. Panoorin. – FRJ, GMA News