'Single's Inferno' stars na sina Yoo Si Eun at Lee Gwan Hee, kinumpirma ang kanilang relasyon
Kinumpirma ng mga sumali sa "Single's Inferno" Season 3 na sina Yoo Si Eun at Lee Gwan Hee ang kanilang relasyon.
Matapos ang ilang buwang espekulasyon mula sa kanilang mga tagahanga, kinumpirma ng dalawa ang kanilang relasyon sa pamamagitan ng joint Instagram post nitong Miyerkoles.
"Hello. I'm Gwan Hee Lee and Yoo Si Eun," saad nila sa Korean, na isinalin sa Ingles ng Instagram. “Today, we would like to share some good news about the two of us."
Ayon sa magkasintahan, unti-unti nilang nakilala ang isa't isa habang patuloy na tumatanggap ng suporta at pagmamahal mula sa kanilang fans.
Other Stories
"We've been quietly getting to know each other through the warm attention many of you have sent us, and now we're here to express our sincere feelings to you directly," saad ng dalawa.
Inihayag sina Lee at Yoo na nais nilang ipagpatuloy ang pagpapalago ng kanilang relasyon habang patuloy na sumusuporta sa isa't isa.
"We plan to cherish each other, support each other, and nurture a beautiful love. We appreciate your continued interest and warm support. Thank you," patuloy nila.
Isang professional basketball player si Lee Gwan Hee, habang dating beauty queen naman si Yoo Si Eun. Pareho silang naging kalahok sa ikatlong season ng hit na Korean dating reality show ng Netflix na "Single's Inferno."
Sinusundan ng naturang reality dating series ang grupo ng mga single na pansamantalang naninirahan sa isang liblib na isla na tinatawag na Inferno, at doon ay hahanapin ang posible nilang makarelasyon habang inililihim ang personal nilang impormasyon sa isa't isa.
Tanging sa pagpunta lamang nila sa Paradise maaari nilang makilala nang husto ang isa't isa.
Ipinalabas ang unang season ng reality series noong Disyembre 2021 at tumagal ng walong episode. Sumunod naman ang ikalawang season noong Disyembre 2022, na binubuo ng 10 episode.— Jade Veronique Yap/FRJ, GMA News