Ilang negosyante sa Dagupan, Pangasinan, idinadaing ang pagkalugi dahil sa baha
Iniinda nang ilang negosyante ang pagkalugi sa kanilang negosyo dahil sa halos isang buwan nang baha sa kanilang lugar sa Dagupan City, Pangasinan.
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, makikita ang ilang kalsada sa lungsod na lubog pa rin sa tubig.
Malaking bahagi umano ng kalakalan sa Dagupan ang apektado ng ilang linggong pag-ulan at naiiwang baha.
Ang negosyanteng si Edison Sy, napilitan nang buksan ang kaniyang tindahan puwesto sa Rizal St. para kahit papaano ay makabawi ng kita kahit lubog pa sa baha ang kalsada.
Nais din ni Sy na matulungan ang mga customer na may kailangang bilhin kaya nagbukas na siya ng tindahan.
“May mga customer na kailangan din ng suporta. Kung hindi kami magbukas eh saan sila kukuha ng gamit,” pahayag niya.
Ang isang tindahan sa AB Fernandez St, hindi naman inabutan ng baha sa loob kaya hindi nahirapan na muling buksan ang negosyo.
Pero lugi pa rin dahil sa konti lang ang mga bumibili dahil sa baha pa sa mga dadaanan.
Ayon sa isang ekonomista, malaki ang epekto sa ekonomiya ng mga apektadong lugar sa isang buwang kalamidad.
“These are difficult times kasi extraordinary yung ating sitwasyon ngayon dahil na rin sa climate change. We hope really na ang mga business sector ay maka-adapt din sila,” ayon kay Dr. Teddy Fernandez, social science development studies associate professor, Pangasinan State University
Dagdag pa niya, may proridad na rin sa mga tao sa kung ano ang kailangan bilhin at paglalaanan ng gastusin sa ganitong panahon. Kaya hindi na napapansin ang iba pang bilihin na dahilan para malugi ang ibang negosyo.
“Inuuna ang mga mas importante, ina-anticipate na may mas mahalaga pa tayong makaharap na gastusin,” sabi ni Fernandez. – FRJ, GMA News