Cargo van, nagliyab matapos na bumangga sa puno; 1 patay, 2 kritikal
Isang pahinante ang nasawi, habang malubhang nasugatan ang dalawa pa niyang kasamahan matapos na bumangga at magliyab ang sinasakyan nilang cargo van sa Ayungon, Negros Oriental.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Amdus nitong Miyerkoles.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng van nang pumalya umano ang preno ng sasakyan habang binabagtas nila ang pababang bahagi ng daan.
Bumangga ang van sa puno, at mabilis na nagliyab dahil sa may karga itong alcohol.
Nakalabas ang tatlong sakay ng van, pero hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isa sa dalawang pahinante.
Kritikal naman ang lagay ng isa pa sa ospital, pati na ang kanilang driver.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. – FRJ, GMA News