ADVERTISEMENT
Filtered By: Balitambayan
News

Fish vendor na sinita sa bangketa, binuhusan ng bleach at sabong panlaba ang kaniyang mga isda


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Binuhusan ng bleach at sabong panlaba ng isang fish vendor ang mga paninda niya matapos siyang sitahin ng mga awtoridad at kumpiskahin ang kaniyang mga isda dahil sa illegal ang kaniyang puwesto sa bangketa sa Basista, Pangasinan.

Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, makikita ang babaeng vendor na galit at gigil na nilalagyan ng bleach at sabong panlaba ang kaniyang mga panindang isda na nasa banyera.

Nangyari umano ang insidente noong Biyernes sa bangketa na malapit lang sa pamilhang bayan ng Basista.

Sa caption uploader ng video na kapatid ng tindera, sinabi nito nakiusap sila sa mga nanitang awtoridad na sa marker division na lang sila magbabayad ng multa at ibalik sa kanila ang mga isda.

Pero hindi raw sila pinagbigyan kaya binuhusan na lang nila ng bleach at sabon ang isda para hindi pakinabangan sa gagawing pagkumpisda.

Ayon sa mga awtoridad, ang paghuli sa mga vendor na wala sa tamang lugar ay alinsunod municipal ordinance kung saan bawal ang magtinda sa gilid ng kalsada o bangketa.

Kasama sa parusa sa mga mahuhuling vendor ay ang pagkumpiska sa kanilang paninda.

Ilan umano sa mga nahuli at dati nang nasita at pinagsabihan na umalis na lang. Madalas din umanong nagrereklamo ang mga lehitimong tindera na may puwesto sa palengke at nagbabayad ng permit dahil naagawan sila ng kostumer.

Ayon sa lehitimong tindera na si Nora Meneses, nasa mahigit P10,000 kada taon ang binabayaran nila para sa permit sa pamilihan. Marami pa naman umanong bakanteng kung tutuusin sa pamilihan kung nais ng mga vendor na mabenta ng kanilang paninda.

Tumanggi naman muna ang pamunuan ng pamilihan na magbigay ng pahayag tungkol sa insidente, pero handa raw silang harapin ang mga reklamong ihahain laban sa kanila. – FRJ, GMA News

Tags: vendor