Umano’y pusher sa Siniloan, Laguna, patay sa buy-bust operation
Napatay ang isang pusher umano sa buy-bust operation sa Siniloan, Laguna matapos mauwi ito sa engkuwentro, ayon sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras ng GMA News nitong Sabado.
Kinilala ang suspek na si Jonathan Belmonte.
Nauwi umano sa engkuwentro ang buy-bust operation na ikinasa ng Laguna Provincial Intelligence Branch laban kay Belmonte sa Barangay Macatad sa Siniloan.
Narekober mula kay Belmonte ang isang caliber .45 na baril at hinihinalang shabu.
Ayon sa Laguna Provincial Police Office (PPO), matagal na nilang minamatyagan si Belmonte.
“Sa tulong ng mamamayan, sa kanilang pag-report ng impormasyon through text, nahuhuli at nasasawata natin ang ilegal na gawain,” sabi ng hepe ng Laguna PPO na si Colonel Eleazar Matta. —Joviland Rita/KG, GMA News