Dalagitang kukuha ng gamit sa bahay para dalhin sa evac center, patay matapos makuryente at nahulog sa baha sa Calumpit
Isang dalagitang 17-anyos ang nasawi matapos siyang makuryente at mahulog sa mataas na baha sa kanilang lugar sa Barangay San Miguel sa Calumpit, Bulacan.
Sa ulat ni Jewel Fernandez sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad na naglalakad ang biktima sa kahoy na nagsisilbing tulay ng mga residente para makatawid sa baha.
Kuwento ng kapatid, kukuha sana ng gamit sa kanilang bahay ang biktima na dadalhin sa evacuation center nang madulas ito at aksidenteng napahawak sa kable ng kuryente, at nahulog sa baha.
.Tinangkang sagipin ng ama ang kaniyang anak at dinala sa ospital pero hindi na umabot nang buhay ang dalagita.
Sinisisi ng ina ng biktima ang mga nakalaylay na kable ng kuyrente sa kanilang lugar.
Tumangging magbigay ng pahayag ang kapitan ng barangay kaugnay sa nangyari, ayon sa ulat.
Isa ang Calumpit sa mga lugar na lumubog sa baha dahil pananalasa ng Habagat, at epekto ng high-tide.
– FRJ, GMA News