ADVERTISEMENT
Filtered By: Balitambayan
News

Lalaki, arestado dahil umano sa paulit-ulit na panggagahasa sa anak ng kanyang live-in partner


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hinuli ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang lalaki sa Barangay Malanday, Marikina City nitong Linggo ng madaling araw.

Siya raw ang top 2 most wanted person sa buong Metro Manila.

Ayon sa pulisya, isinilbi sa 31-anyos na lalaki ang isang warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court Branch 6-FC Manila noon pang nakaraang taon para sa 10 counts ng qualified rape.

Ang biktima, anak mismo ng live-in partner noon ng lalaki.

Sabi ng MPD, taong 2024 nang magsumbong sa mga awtoridad ang noo'y 15-anyos na biktima

Ipinagkatiwala raw ng nanay sa akusado ang bata para bantayan at magabayan.

"'Yung minor, may boyfriend na. 'Yung stepdad naman niya, nagkaroon siya ng opportunity na para magalaw 'yung minor," sabi ni Police Lieutenant Charlie Carbonell, Duty OD ng Barbosa Police Station.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na ilang beses din ginahasa ng akusado ang biktima hanggang sa nabuntis umano niya ang dalagita.

Matapos ang nangyari, nagtago na raw ang akusado.

Pero makalipas ang ilang taon, natunton siya kamakailan ng pulisya sa Marikina at nagtatrabaho bilang helper.

Pero iginiit ng nahuling akusado na hindi niya ginahasa ang anak ng kanyang kinakasama at ang boyfriend nito ang totoong nakabuntis sa kanya.

Handa rin daw siyang sumailalim sa DNA testing.

"Gusto ko kasing matapos na 'tong problema na 'to, sir eh, para malinis na 'yung pangalan ko eh. May jowa jowa siya. Ngayon, 'yung jowa niya, 'yun po 'yung mismong nagsabi na isumbong mo 'yan sa mama mo para makaganti ka dahil sinumbong ka na may jowa ka," sabi ng akusado.

Mananatili sa Barbosa Police Station ang akusado habang hinihintay ang commitment order ng korte.

Sinusubukan pa naming hingan ng pahayag ang pamilya ng biktima. —KG, GMA News

Tags: Rape