Batang inihatid ng lolo, patay sa salpok ng jeepney na nakatulog umano ang driver
Nasawi ang isang batang siyam na taong gulang matapos salpukin ng isang pampasaherong jeepney ang sinasakyan nilang motorsiklo, kasama ang kaniyang mas batang kapatid at lolo sa Virac, Catanduanes.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Miyerkoles, makikita sa video footage ang pampasaherong jeepney sa Barangay Vicente na dire-diretsong tinumbok ang nakatigil na motorsiklo sa harap ng isang paaralan.
Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang siyam na taong gulang na biktima, habang sugatan ang kaniyang kapatid na limang-taong-gulang, at lolo na naghatid sa kanila.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumabas na nakatulog umano ang driver ng jeepney habang nagmamaneho. Inaresto siya at posibleng maharap sa kaukulang kaso.
Samantala sa bayan ng Viga sa Catanduanes pa rin, nakatulog din umano ang driver ng isang closed-van na L-300 kaya bumangga sa isang tindahan.
Nasugatan sa insidente ang limang tao, kabilang ang dalawang menor de edad at isang senior citizen. – FRJ, GMA News