ADVERTISEMENT
Filtered By: Balitambayan
News

14-anyos na lalaki, patay nang barilin sa ulo sa Maynila; salarin, nakatakas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nasawi ang isang 14-anyos na lalaki matapos siyang barilin sa Sampaloc, Maynila. Ayon sa ama ng biktima, siga ang gunman sa lugar at posibleng napagtripan lang ang kaniyang anak.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing naganap ang pamamaril sa bahagi ng Lacson Avenue dakong 8:30 p.m. nitong Miyerkoles.

Batay sa kuha ng CCTV camera, makikita na nakatayo ang biktima sa center island kasama ang ilang kapwa menor de edad na kaibigan.

Ilang saglit pa, lumapit na ang gunman sa kanila saka pinaputukan ang biktima.

Tumakbo palayo ang gunman, habang isinakay sa tricycle ang biktima upang dalhin sa ospital.

Makaraan ang ilang oras, namatay ang biktima dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo.

Nakilala ng opisyal ng Barangay 429, na residente ng Barangay 432 ang gunman, na nasa edad 30 hanggang 40.

Ayon sa awtoridad, dati nang may away ang pamilya ng suspek at biktima.

“Nagkakaso siya, nakulong siya, which is grave threat. Ngayon, 'yung nabaril yata 'yun, 'yung bata, ang tatay nu’n, 'yun 'yung tinutukan ng baril ng mismong perpetrator natin. Hindi ko rin alam kung doon o sa grupo nila ang cause ng pamamaril,” ayon kay Christopher Pacol, Ex-O ng Barangay 429, Sampaloc, Manila.

Mariin naman itong itinanggi ng 33-anyos na ama ng biktima, na sinabing kilalang siga sa lugar ang gunman at posibleng napagtripan lang umano ang kaniyang anak.

"Trip lang po. Tinanong niya raw po 'yung mga bata, ‘Mga taga-saan kayo?' Magsasalita pa lang po 'yung anak ko, binaril niya na agad eh. Sukuan niya na lang po. Sukuan mo na lang, huwag mo na kami pahirapan para matahimik lang din kami pare-pareho pati 'yung anak ko," mensahe ng ama ng biktima sa gunman.

Labis ang pagdadalamhati ng pamilya, lalo’t hindi man lang nasilayan ang binatilyo ng ina nito na nakaratay sa ospital dahil sa leptospirosis.

"Kay Mayor, para po kay Mayor, bigyan niyo po ng katarungan para sa apo ko, napakabait po ng apo ko. Hindi ako makapaniwala na 'yung apo ko, binaril nila na walang kaawa-awa," sabi ng lola ng biktima.

Patuloy ang follow-up operation ng mga awtoridad sa pagtugis ng gunman at malaman ang motibo sa pamamaril.

"So far, hindi pa po siya makita at nakipag-coordinate naman ang ating mga kapulisan. Wala pa ng feedback regarding sa kinaroroonan niya," sabi ni Kagawad Christopher "Barbers" Mendiola ng Brgy 432. – Jamil Santos/FRJ, GMA News

Tags: hulicrime, crime