2 magnanakaw umano, timbog matapos habulin ng pulisya sa Maynila
Sa kulungan ang bagsak ng dalawang lalaki matapos umano'y tangayin at ibenta ang isang e-trike sa Malate, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Miyerkules, mapanonood sa CCTV ang pagkaripas ng dalawang lalaki habang hinahabol ng ilang undercover na pulis sa bahagi ng Tondo nitong Martes ng madaling araw.
Makaraan ang tatlong minuto, nadakip din ng mga awtoridad ang dalawang lalaking magnanakaw umano, ayon sa pulisya.
Bago nito, tinangay raw nila ang isang nakaparadang e-trike sa bahagi ng Barangay 720 sa Malate madaling araw ng Setyembre 6.
Sinabi ng 32-anyos na biktima na natuklasan niyang nawawala na sa paradahan ang kanilang e-trike Linggo ng gabi.
Nakatakda sana silang magpa-check up ng kaniyang kinakasama na dalawang buwang buntis.
"'Yung parking attendant po na nandoon, tinanong ko po kung nasaan, sabi niya, akala niya po is kinuha ko para i-charge. Doon ko po napagtanto na nawawala na… Bago pa lang po 'yun, one month pa lang," sabi ng biktima.
Ilang saksi rin ang nakakita umano na itinulak ng mga suspek palabas ang e-trike ng biktima. Nang makalayo, dito na nila hinatak ang e-trike gamit ang isang tuktok.
Sinabi ng Malate Police Station na nahanap nila ang getaway vehicle na ginamit sa krimen at ang dalawang suspek sa may bahagi ng Tondo.
Gayunman, hindi na narekober sa kanila ang e-trike ng biktima, kundi natunton ito sa bahagi ng Barangay 108 sa Tondo Martes ng gabi na naibenta sa halagang P14,000.
"Sa modus nila, binibenta through online lalo na 'yung mga battery… Mabilisan lang kumbaga, fastbreak 'yung term nila… Mabilis kasi ibenta 'yung battery, nagkakahalaga ng mga P10,000…
'Yung body naman puwedeng chop-chopin," sabi ni Police Lieutenant Colonel Norman Patnaan, Station Commander ng MPD 9.
Natuklasan na dati nang nakulong dahil din sa pagnanakaw ang mga suspek.
Inamin nila ang krimen sa pagnakaw ng e-trike, bukod sa mayroon pa silang dalawang kasabwat na hindi pa nadadakip sa ngayon.
"Bago lang po ako sa grupo nila… Binigyan lang po ako ng P500," sabi ni alyas Dony.
"Sana mapatawad niyo kami," sabi ni alyas Biboy.
Mahaharap ang mga suspek sa paglabag sa RA 10883 o ang New Anti-Carnapping Act of 2016. — Jamil Santos/ VDV, GMA News