ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Malupit na kriminal

Ginang, kritikal; 1-taong-gulang niyang anak, pinaslang sa kanilang bahay


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kritikal ang kalagayan ng isang 29-anyos na ginang dahil sa mga palo na tinamo nito sa ulo, at hinihinalang inabuso pa ng taong nanloob sa kanilang bahay sa Laguna. Ang kaniyang isang-taong-gulang na anak na lalaki, hindi rin nakaligtas sa kalupitan ng salarin.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing naganap ang krimen sa isang subdibisyon sa Santa Rosa, Laguna nitong Miyerkules.

Sa loob ng banyo nakita ang duguan at walang malay na ginang na walang saplot. Basag umano ang bungo nito dahil sa tinamong mga palo mula sa matigas na bagay.

Nagdurugo rin ang maselan bahagi ng kaniyang katawan nang matagpuan.

Sa sala naman ng bahay nakita ang wala rin malay at duguan ang kaniyang anak.

Kapwa sila dinala sa ospital kung saan binawian ng buhay ang bata.

Magulo ang loob ng bahay ng mag-ina at nawawala na ang ilang gamit.

Kuwento ng kapatid ng biktima, nag-text sa kaniya ang kapatid nitong hapon ng Miyerkules para ipaalam na may darating na tao sa kanilang bahay na mag-aayos umano ng internet modem.

Sakaling may mangyari umano sa kaniya, ang naturang tao ang dapat hanapin.

Naipadala rin umano ng ginang sa kaniyang mister na nasa Quezon City ang ID na may larawan ng lalaking nagpunta sa bahay.

Ayon kay Supt. Reynaldo Maclang, hepe ng Sta. Rosa Police, itinuturing nilang "person of interest"  ngayon ang naturang internet repairman.

Kung walang kinalaman sa krimen, sinabi ni Maclang na makabubuting makipag-ugnayan ito sa kanila.

Hiningi rin niya ang tulong ng publiko sa mga taong may maibibigay na impormasyon na makalulutas sa kaso. -- FRJ, GMA News