ADVERTISEMENT
Filtered By: Balitambayan
News

Mga putok ng baril, nadinig sa Senado na naka-lockdown


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

May nadinig na mga putok ng baril sa Senado nitong Miyerkules ng gabi habang nagpapatuloy ang lockdown at nasa protective custody ng kapulungan si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.

Nadinig ang mga putok ng baril sa ikalawang palapag ng gusali ng Senado. Hindi pa malinaw kung saan at sino ang nagpaputok ng baril.

Una rito, dumating sa Senado ang mga tauhan ng militar, pulisya, at National Bureau of Investigation (NBI).

Armado rin at naka-full battle gear ang mga sundalo na nagbabantay sa Senado, kasama ang mga tauhan ng Office of the Sergeant-At-Arms ng kapulungan.

Patuloy na nakatutok ang GMA News sa mga kaganapan sa loob ng Senado.

Bago nito, naglabas ng pahayag ang Supreme Court (SC) na walang temporary restraining order (TRO) ang mga mahistrado kaugnay sa hiling ni Dela Rosa, upang pigilin ang pagpapatupad ng arrest warrant na inilabas laban sa kaniya ng International Criminal Court (ICC).

Kaugnay ng nangyayari, pinatay ang mga ilaw sa gusali ng Senado sa Pasay City.

Dumating na rin sa compound ng GSIS kung nasaan ang Senado si Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.

Tiniyak ni Remulla sa mga mamamahayag na ligtas si Sen. Dela Rosa at walang pag-aresto na gagawin sa kaniya.

Sa ulat ng Reuters, sinabi ni Senate Secretary Mark Llandro Mendoza sa mga mamamahayag na walang nasugatan sa nangyaring putukan ng baril.

May tip na may mangyayari—SP Cayetano

Sa isang video post nitong Miyerkoles ng gabi, nagbigay ng pahayag si Senate President Alan Peter Cayetano, at sinabing nakatanggap ng impormasyon ang ilang senador na “may mangyayari” bago maganap ang putukan.

"Four senators got tips 30 minutes ago while we were talking na umalis na dito kasi may mangyayari," saad ni Cayetano sa video kasama ang kaniyang kapatid na si Senador Pia Cayetano.

"The emotions are high here, because bakit kami paaalisin, eh we're waiting for the articles of impeachment and we're having a meeting?" dagdag niya.

Ang tinutukoy ni Cayetano ay ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte na inaprubahan ng Kamara de Representantes nitong Lunes, at inaasahang ihahatid sa Senado na tatayong impeachment court.

"Kung sino ang nakikinig from the government, this is the Senate of the Philippines, we are allegedly under attack," ani Cayetano.

Hinihinalang NBI agents ang pumasok—Senate SecGen

Kasunod ng nangyaring putukan, inihayag ni Senate Secretary-General Mark Llandro Mendoza sa mga mamamahayag na may “perceived” NBI agents ang nakapasok sa pasilidad ng Senado.

Pinaniniwalaang nakalusot umano ang mga hinihinalang NBI agents mula sa katabing gusali ng Government Service Insurance System (GSIS).

Ang gusali ng Senado ay bahagi ng malaking compound ng GSIS.

“Sila nauna magpaputok,” patungkol ni Mendoza sa armadong nakapasok sa gusali.

“Contained naman ang area. We’re all safe here,” dagdag niya.

Kung mga tauhan ng NBI ang nakapasok, sinabi ni Mendoza na, “May criminal liability sila pagpasok nila sa Senate. Unang-una nag-assault sila dito eh. In-endanger nila lahat ng tao sa Senado.”

Matibag: Walang NBI agents sa Senado

Samantala, itinanggi ni National Bureau of Investigation (NBI) director Melvin Matibag na may tauhan siya na pumasok sa gusali ng Senado para arestuhin si Dela Rosa.

Paliwanag ni Matibag, nasa tatlong araw na fellowship event ang mga opisyal ng NBI sa isang hotel.

Aniya, tinawagan siya ni Senador Loren Legarda para paalisin ang mga NBI agent mula sa bakuran ng Senado.

“Nakatanggap ako ng tawag kay Senator Loren na paalisin ko raw yung mga agent ng NBI. Sabi ko, ‘Wala kaming agent diyan.’ Wala naman po talaga, kasi daw nagpaputok. Sabi ko pa-imbestigahan niyo, pahuli niyo yung mga nagpapaputok. Dahil sigurado ako na wala kaming tao na nandiyan sa loob ng Senado,” sabi niya sa GMA News.

Idinagdag ni Matibag na pinapupunta siya sa Senado para mag-imbestiga.

“Inuutusan nila ako, ‘Pumunta ka rito, mag-imbestiga ka.’ Ang problema po ay napapagbintangan kami na kami ang nagpaputok, paano naman kami pupunta, baka masubo naman yung aming mga ahente,” paliwanag niya.

“Ang sabi ko nga po, there will be an inter-agency collaboration, may meeting pa, bago pa magkaroon ng desisyon kung magi-implement ng warrant,” dagdag ni Matibag. “Kausap ko lang si (DOJ) Secretary Vida, ang sinasabi niya sa akin, ‘Maghintay tayo ng instruction, wala tayong gagawin.’” — FRJ, GMA News