ADVERTISEMENT
Filtered By: Balitambayan
News

Ginang, patay nang mabagsakan ng malaking tipak ng bato ang kanilang bahay; 2 anak, sugatan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang ginang ang nasawi matapos siyang mabagsakan ng malaking tipak ng bato sa kanilang bahay sa Rodriguez, Rizal. Ang dalawa niyang anak, itinulak niya para makaligtas sa gumulong na mga bato.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, sinabing naganap ang insidente sa kasagsagan ng ulan nitong Linggo, kung saan gumulong ang mga bato mula sa matarik na bahagi ng bundok.

Tumama ito sa bahay ng mga biktima at nabutas ang magkabilang pader nito sa Barangay Mascap. Nawasak din ang mga gamit sa loob ng bahay.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang ginang matapos mapuruhan sa kaniyang paa at katawan.

Bago nito, nasagip pa ng ginang ang dalawa niyang anak na kaniyang itinulak para makaiwas sa gumulong na mga bato.

Ligtas na ang mga bata, na nagtamo ng mga sugat.

Nasa trabaho naman ang kanilang tatay nang mangyari ang insidente.

Pinayuhan na ng barangay ang mga residente sa lugar na lumikas muna dahil posibleng dumausdos doon ang mga natitirang bato mula sa itaas.

Sasailalim din ang lugar sa assessment ng DENR. —Jamil Santos/VBL, GMA News