ADVERTISEMENT
Filtered By: Balitambayan
News

ICC, iniutos na suriin muli ang kalusugan ni Rodrigo Duterte; paglilitis, itinakda sa Nov. 30, 2026


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Iniutos ng International Criminal Court (ICC) ng muling suriin ang kalagayan ng kalusugan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte upang alamin kung kaya ba niyang humarap sa paglilitis. Sa kabila nito, itinakda ang araw ng simula ng paglilitis sa Nobyembre 30, 2026.

Nitong Miyerkoles, inihayag ni ICC Trial Chamber III Judge Joanna Korner, na mag-uutos ang hukuman ng panibagong pagsusuri sa kakayahan ni Duterte na humarap sa paglilitis kaugnay ng kinakaharap niyang kasong crimes against humanity.

Sa unang status conference ng kaso, sinabi ni Korner na naghain ng mosyon ang kampo ni Duterte na nagsasabi na ang naunang desisyon tungkol sa kaniyang kalagayan ay para lamang sa confirmation of charges proceedings.

“You very sensibly proposed that the three gentlemen who examined him for the purposes of the confirmation proceeding should be reinstructed to reexamine him,” ani Korner.

“And we propose to make that order, hopefully either today or tomorrow,” dagdag niya.

Gayunpaman, ipinagpaliban muna ni Korner ang pagdedesisyon sa hiling ng depensa na payagang matanong ang mga eksperto.

“I rather think we’ll wait and see what the reports say before we make such a decision,” anang hukom.

Ipinahayag naman ng abogado ni Duterte na si Atty. Peter Haynes ang pagsang-ayon sa mungkahi.

Isinagawa ng Trial Chamber ang unang status conference nito noong Miyerkules upang talakayin ang petsa ng pagsisimula ng paglilitis, ang pretrial deadlines, inaasahang pagsusumite ng mga ebidensya, mga wikang gagamitin ng magkabilang panig, at mga obligasyon sa pagsisiwalat ng impormasyon, at iba pang usapin.

Itinakda naman ang pagsisimula ng paglilitis sa Nobyembre 30, 2026, na ayon kay Korner ay petsa na nais ng ICC Prosecution.

“The start of trial, we are prepared to accede to the prosecution’s application of the 30th of November as the start of trial,” sabi ni Korner sa status conference.

Ayon kay Korner, araw-araw gaganapin ang paglilitis hanggang sa judicial recess.

“We have to wait for the report on the accused's fitness, and they will specifically be asked to – if they find him fit to stand trial,” dagdag niya.

Ayon kay Korner, wala namang iminungkahing petsa ng paglilitis ang defense team hangga’t hindi nasusuri ang kalusugan ng dating pangulo.

Nais naman umano ng legal representative ng mga biktima na simulan ang paglilitis sa Setyembre, habang ang ICC Registry, nais na sa January 2027 ito simulan dahil sa pangamba sa interpretation. – FRJ, GMA News