ADVERTISEMENT
Filtered By: Balitambayan
News

Senado, Kamara, hiniling ni Marcos na mag-special session sa June 17, 2026


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Lunes ang Kongreso na magdaos ng special session sa kabila ng sine die adjournment upang talakayin at aksyunan ng mga mambabatas ang mga tinukoy na prayoridad na panukalang batas. Si Senador Ping Lacson, umaasang mareresolba na rin ang usapin tungkol sa liderato ng Senado,

Sa ilalim ng Proclamation No. 1318, iniutos ng Pangulo na magsagawa ang Kongreso ng espesyal na sesyon sa Hunyo 17, 2026 upang pag-aralan at aprubahan ang mga sumusunod priority legislative measures:

  • National Center for Geriatric Health;
  • Amendments to the Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) Act;
  • Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Act;
  • Amendments to the Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA);
  • Last Mile and Geographically Isolated and Disadvantaged and Conflict-Affected Areas (GIDA) Schools Act;
  • Amendments to the Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act;
  • Anti-Political Dynasty Law;
  • Presidential Merit Scholarship Program; at
  • Iba pang mga hakbang na naglalayong palakasin ang pagbibigay proteksyon sa lipunan at pagpapabuti sa buhay ng mga Pilipino.

“The challenges confronting our people demand urgent action. Families affected by the recent earthquake in Mindanao require immediate assistance. Students need continued support to pursue their education. Our senior citizens deserve better healthcare. Our children must have better nutrition and vulnerable sectors need stronger protection,” saad sa pahayag ni Marcos.

"The needs of the Filipino people do not pause when Congress is not in session. The government must continue to respond, and the welfare of every Filipino must remain our highest priority,” dagdag niya.

Ipinatawag din ni Marcos ang espesyal na sesyon upang mabigyang-daan ang pagpupulong ng Commission on Appointments (CA) at aksyunan ang mga itinalaga sa Gabinete, militar, at foreign service.

Nilagdaan ni Acting Executive Secretary Ralph Recto ang proklamasyon sa bisa ng awtoridad ng Pangulo noong Hunyo 15, 2026.

Nakasaad sa Section 15, Article VI ng 1987 Constitution, na may kapangyarihan ang Pangulo na magpatawag ng special session anumang oras upang tugunan ang mga usapin na nangangailangan ng agarang aksiyo ng mga mambabatas.

Nauna nang sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na nais muna ni Marcos na maresolba ng Senado ang mga isyu nito bago magpatawag ng espesyal na sesyon.

Bago nito, pinayuhan din ni Senador Alan Peter Cayetano ang Malacañang na hintayin ang pagpasok ng ika-13 senador sa grupong tinawag niyang “11 plus 1” bago magpatawag ng espesyal na sesyon upang maresolba ang usapin sa liderato ng Senado.

Samantala, sinabi ni Senador Juan Miguel Zubiri na tinatanggap ng bagong mayorya ang panawagan para sa espesyal na sesyon at handa silang gampanan ang kanilang mandato.

"The agenda is clear and urgent, touching on health care, education funding, and assistance for Filipinos in crisis, matters that can bring real help to Filipino families who need government to act with urgency and compassion," saad ni Zubiri.

Idinagdag niya na mahalaga rin ang tungkulin ng Commission on Appointments sa pagtalakay sa mga appointment sa Gabinete, militar, at foreign service.

"Papasok tayo, magtatrabaho tayo and we will do our duty for the people. The Senate has always had the capacity to rise above difficult moments, and I trust that we can approach this session with seriousness, respect for our mandate, and a clear sense of responsibility to the people," dagdag niya.

Tiwala naman si Senador Francis Pangilinan na kaya ng bagong majority bloc na makabuo ng quorum.

"Since 12 kami as the new majority may quorum na at kung mag-a-attend si Sen Joel (Villanueva) that makes us 13. More than enough to convene the special session whether their group attends or not,” paliwanag niya.

Nitong Linggo, sinabi ni Villanueva, kagrupo ni Cayetano, na dadalo siya kapag nagkaroon ng special session para gampanan ang kaniyang tungkulin bilang mambabatas.

Pero hindi sinabi ni Villanueva kung aalis na siya sa grupo ni Cayetano at kung sasama sa bagong grupo ng mayorya.

Umaasa naman si Senador Panfilo Lacson, na matatapos na ang usapin sa liderato ng Senado sa Miyerkoles.

"Wednesday, June 17 special session: Hopefully, Delulu pa more becomes Delulu no more," saad ni Lacson sa post sa X.

Bagaman inaangkin ng grupo ni acting Senate President Sherwin Gatchalian na sila na ang bagong mayorya, hindi pa rin sila makapaghalal ng lehitimong Senate President dahil 12 lamang ang senador sa kanilang grupo, kulang isa (para maging 13) na itinatakda sa Saligang Batas upang makapaghalal ng Senate Presiden. — FRJ, GMA News