Lalaki, buwis-buhay na lumambitin sa lubid para tawirin ang rumaragasang ilog
Isang lalaki ang buwis-buhay na lumambitin sa lubid para makatawid sa rumaragasang ilog at makuha ang kaniyang sasakyan sa Lebak, Sultan Kudarat.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood ang video ng lalaki na tila nag-exhibition habang lumalambitin sa lubid.
Ayon sa kumukuha ng video, biglang lumakas ang ulan at lumakas ang agos ng tubig sa ilog.
Tumawid ang lalaki upang balikan ang kaniyang sasakyan na naiwan sa kabilang pampang.
Ligtas naman ang lalaki na nakarating sa kabilang bahagi ng ilog.
Nagkaroon din ng landslide sa bayan dahil sa malakas na ulan.
Humambalang sa kalsada ang mga bato, putik, mga sanga at kahoy. Nagsagawa na ng clearing operations sa lugar.
Nagka-landslide din sa Arakan, Cotabato.
Hindi makadaan sa kalsada ang mga malalaking sasakyan habang pahirapan ang pagdaan ng mga motorsiklo.
Humarang din ang mga gumuhong lupa, pati ang mga sanga ng mga puno.
Samantala, bumaha sa Barangay Perez sa Kidapawan, Cotabato dahil din sa malakas na ulan, at umabot hanggang tuhod ang tubig.
Binaha rin ang iba't ibang bahagi ng Maguindanao del Sur, gaya ng bayan ng Buluan, Datu Paglas, at Pandag.
Kasama pa sa nalubog doon ang isang paaralan.
Sinabi ng PAGASA na localized thunderstorms ang nagpaulan sa iba't ibang bahagi ng Mindanao. —Jamil Santos/VBL, GMA News