ADVERTISEMENT
Filtered By: Balitambayan
News

Umano'y kawatan na nanlaban sa mga pulis, napatay sa Maynila; 1 pang suspek, nadakip


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Patay ang isang lalaki na nagbabalak umanong magnakaw sa mga establisimyento sa Maynila nang manlaban siya sa mga rumespondeng pulis. Ang isa niyang kasama, nadakip naman.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing nakatanggap ang pulisya ng sumbong mula sa concerned citizen tungkol sa dalawang lalaki na pumasok sa isang abandonadong pansiterya sa Muelle de Binondo Street.

“Ang mga papasukin niya ay 'yung isang delivery courier at the same time, 'yung katabi na bangko, kasi may katabing bangko 'yan. Previously, may mga report na 'yung manager ng bangko na tinitingnan-tingnan na itong bangko nila, kaso natatakot daw, sabi ni kapitan. Kaya hindi rin naire-report sa amin. May mga sinira na silang mga bintana sa taas at nagsigawan na lang 'yung mga tao,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Leopoldo Cajipe Jr., Station Commander ng Manila Police District -11.

Nang puntahan ng mga pulis ang lugar, isang lalaki ang kanilang nahuli habang tumakas naman patungo sa isang abandonadong gusali ang isa pang suspek.

Ngunit sa halip na sumuko, pinaputukan umano ng suspek ang mga pulis, kaya gumanti lang umano ng putok ang mga awtoridad, na dahilan ng pagkamatay ng lalaki.

Sinabi ng homicide section ng MPD, na narekober sa pinangyarihan ng engkuwentro ang isang baril na may dalawang bala at isang fired cartridge, na patunay umano na nagpaputok ng baril ang suspek.

Lumalabas sa imbestigasyon na dalawang pulis naman ang nagpaputok din ng baril.

“Although line-up ng trabaho ‘yan, ipoproseso pa rin natin 'yung pulis kung saan isa-subject natin sila sa paraffin test at ganoon din 'yung sa ballistic examination ng baril nila,” sabi ni Police Major Dave Garcia, Chief ng Homicide Section, MPD.

Sinabi ng barangay na posibleng sangkot din ang mga suspek sa serye ng nakawan sa magkakatabing gusali noong nakalipas na taon at nitong mga nakaraang buwan.

“Hindi namin mahuli-huli 'yan, ang tagal na. December, tapos February, until ngayon lang namin naabutan siya mismo,” sabi ni Chairman Herbert Tuisieng, ng Barangay 287, Manila.

Sinabi ng pulisya na dati nang nabilanggo ang napatay na suspek dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

Nakabilanggo naman dahil sa kasong human trafficking ang naarestong suspek na tumangging magbigay ng pahayag. – Jamil Santos/FRJ, GMA News

Tags: akyat bahay