ADVERTISEMENT
Filtered By: Balitambayan
News

Trump admin, pansamantalang itinigil ang immigrant visa appointments sa mga aplikante sa buong mundo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Pansamantalang ipinatigil ng administrasyon ni US President Donald Trump ang appointment para sa immigrant visa applicants sa buong mundo, habang nagpapatuloy ang mahigpit na kampanya ng US laban sa illegal immigrants.

Sinabi ng isang tagapagsalita ng US State Department nitong Martes, na inilunsad nila ang isang global training initiative sa lahat ng embahada at konsulado ng US sa buong mundo.

Dahil dito, ia-adjust ang mga appointment para sa visa services upang bigyang-daan ang naturang pagsasanay.

Isinulong ni Trump ang agresibong deportation drive at paghihigpit sa immigration policy, kabilang ang pagbawi ng mga visa at green card at pagtanggi sa mga aplikasyon dahil sa iba’t ibang dahilan.

Kabilang sa mga sinusuri sa aplikante ang mga pananaw sa politika at mga pro-Palestinian na protest laban sa pag-atake ng Israel (kaalyado ng US) sa Gaza.

Ayon kay Trump, layunin ng kampanya na mapahusay ang seguridad sa loob ng bansa.

Gayunman, nakaranas ng ilang legal na problema ang isinasagawang crackdown sa mga immigrants. Noong Biyernes, ibinasura ng isang hukom sa US ang patakaran ng administrasyong Trump na nagsususpinde sa pag-isyu ng immigrant visa sa mga aplikante mula sa 75 bansa.

Ayon sa hukom, lumampas ang naturang patakaran sa legal na kapangyarihang ipinagkaloob kay Secretary of State Marco Rubio.

Hindi nagbigay ang State Department ng mga detalye tungkol sa pagsasanay o kung kailan ito matatapos. Sinabi lamang nito na layunin ng pagsasanay na tulungan ang mga opisyal ng konsulado na matukoy ang mga aplikante na aasa lang sa mga benepisyo ng US na ibinibigay sa publiko.

Nais din umanong matiyak na ang pagsusuri sa mga aplikante ng visa ay magiging "comprehensively and consistently."

Nauna nang iniulat ng Financial Times ang pansamantalang paghinto sa mga appointment.

Ayon sa ulat, nakatanggap ng mga email ang mga aplikante ng immigrant visa na may nakatakdang panayam sa mga embahada at konsulado ng US, na nagsasabing ililipat ang kanilang appointment at makatatanggap sila ng panibagong abiso tungkol sa bagong petsa ng kanilang appointment. — ulat mula sa Reuters/FRJ, GMA News