Netizens, ipinakita ang kanilang 'before and after' experience sa 'Green Bones'
January 06 2025
Mula sa advance screening hanggang sa public viewing, maraming celebrities at netizens ang naging emosyonal sa inspirational drama film na Green Bones.
Hindi matitinag ang mga luha ng mga manonood dahil sa nakakaantig nitong istorya na tumatalakay sa pag-asa, sakripisyo, at hustisya. Bukod pa rito, marami ang nag-appreciate sa cinematography ng pelikula at sa outstanding performances ng award-winning actors na sina Dennis Trillo at Ruru Madrid.
Hindi lang sa loob ng sinehan naging usap-usapan ang pelikula, kung hindi naging viral din ito online. Nabuo pa ang "before and after Green Bones" challenge sa social media, kung saan kinukunan ng netizens ang kanilang mga sarili bago at pagkatapos nilang mapanood ito.
Maraming viewers ang pumasok sa sinehan na puno ng ngiti at excitement. Ngunit habang pinapanood na nila ang pelikula, unti-unti na hindi napigilan ang kanilang emosyon. May ilan pang hindi makapagsalita at tanging paghagulgol na lamang ang kanilang nagawa.
Pagkatapos ng pelikula, karamihan ng netizens ay natatawa sa kanilang namamagang mata dahil sa labis nilang pag-iyak sa sinehan. Speechless din ang lahat dahil sa nakakaakit nitong istorya at kabuuan ng pelikula.
Matatandaan sa advance screening at premiere night ng Green Bones, marami ring influencers at Kapuso celebrities ang naging emosyonal habang pinapanood ang pelikula. Kabilang na rito ang mga Kapuso reporters at anchors na sina Jessica Soho, Aubrey Carampel, at Nelson Canlas, na hindi rin nakaligtas sa malalim na epekto ng pelikula.
"Kalahati ng pelikula hanggang pagkatapos umiiyak ako. Ang hirap huminga (at) kulang 'yung tissue baon ko. Dapat isang pack. So sa mga manonood, isang pack po ng tissue. Kulang ang 10 sheets, ubos," komento ni Aubrey.
Ang mismong cast ng pelikula kagaya nina Sienna Stevens, Sofia Pablo, at Dennis Trillo, hindi rin mapigilan ang kanilang mga luha nang mapanood ang buong pelikula.
"Sobrang ganda ng pelikula at maging parte lang nito ay isang malaking karangalan. For me after I watch this film sabi ko, ' It's gonna be a timeless film. It's gonna be a classic na kahit na tumanda ako at mawala ako sa mundong ito, nakatatak na ang Green Bones,'" pahayag ni Ruru.
Balikan ang highlights ng Green Bones premiere night, dito:
Patuloy mapapanood ang Green Bones sa mahigit 180 cinemas, nationwide hanggang January 14.
Ang pelikula ay ang official entry ng GMA Pictures at GMA Public Affairs sa 2024 Metro Manila Film Festival. Idinerehe ito ni Direk Zig Dulay at isinulat nina Ricky Lee at Anj Atienza. Ito rin ay co-produced ng Brightburn Entertainment at kasama sa proyekto ang Columbia Pictures para sa Sony Pictures Releasing International.
Scroll to top
Comments
comments powered by Disqus