Ricky Lee at Anj Atienza, pinasalamatan ni Direk Zig Dulay bilang inspirasyon sa 'Green Bones'
January 17 2025
Labis ang pasasalamat ng direktor na si Zig Dulay sa mga tumulong at nagbigay dedikasyon sa pagbuo ng Green Bones, ang Best Picture sa 2024 Metro Manila Film Festival.
Para kay Direk Zig, isang malaking karangalan para sa kanya na makasama ang buong team ng inspirational-drama film.
Aniya, "Marami akong natutunan hindi lamang tungkol sa aking sarili or sa pagpepelikula, kung hindi ‘yung mga inaambag nu’ng mga taong nakatrabaho ko. So beginner's mind, kahit na pang ilang pelikula ko na eto. Laging ang nasa utak ko parin ay lagi siyang bago, bago in such a way na marami akong bagong matututunan."
Kabilang sa mga nais niyang pasalamatan ay ang award-winning screenplay writers na sina Ricky Lee and Angeli Atienza. Ayon sa direktor, kung hindi dahil sa kanila, hindi niya matutuklasang kaya pala niya gumawa ng madamdaming pelikula kagaya ng Green Bones.
"Gusto ko rin magpasalamat kay Sir Ricky Lee at kay Miss Anj (Atienza). Alam ko na kayo ang nag-push sa akin para sa project na ito. Maraming maraming salamat kasi na-feel ninyo na para sa akin 'yung kuwento na kahit noong una feeling ko hindi sa akin. Naghanap ako ng sarili pero nahanap ko naman siya. Maraming maraming salamat Sir Ricky at Miss Anj," ani Direk Zig sa kanilang thanksgiving dinner.
Masaya rin ang film director sa pangalawang tagumpay nila ni Angeli sa MMFF. Biro pa nga niya, "Miss Anj, thank you so much. Pangalawa na ito. Pagbutihin natin sa pangatlo."
Nagpasalamat muli si Direk Zig sa buong team ng 2024 MMFF Best Picture sa kanilang intimate thanksgiving dinner.
"Maraming maraming salamat kasi ang paggawa ng pelikula ay hindi syempre puro saya. May mga kaakibat iyan lagi na-stress. Pero dahil tayo-tayo 'yung magkakasama, napapagaan natin ang mga bagay-bagay," masayang sinabi niya.
Mapapanood pa rin ang Green Bones sa mga sinehan nationwide hanggang January 21.
Malapit na rin mapapanood ito, kasama ang iba pang MMFF movies sa Manila International Film Fest 2025 (MIFF), sa Los Angeles, USA, mula January 30 hanggang February 2, 2025. Kasama rin sa fest ang high-grossing movie ng GMA Pictures at Star Cinema na Hello, Love Again.
Silipin ang heartwarming at fun moments ng Green Bones thanksgiving party, dito:
Comments
comments powered by Disqus