Dennis Trillo at Jennylyn Mercado, malayo sa kanilang mga karakter sa 'Everything About My Wife' | GMANetwork.com - Pictures - Articles

Bakit kaya nasabi nina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado na malayo sila sa mga karakter nilang mag-asawa rin sa 'Everything About My Wife' na sina Dom at Imo?

Dennis Trillo at Jennylyn Mercado, malayo sa kanilang mga karakter sa 'Everything About My Wife'

By AARON BRENNT EUSEBIO

Malayong malayo ang mag-asawang Dennis Trillo at Jennylyn Mercado sa kanilang mga karakter sa pelikulang Everything About My Wife na sina Dom at Imo.

Hindi maganda ang naging pagsasama nina Dom at Imo dahil na-realize ni Dom na hindi perpekto ang babaeng pinakasalan niya.

Sa totoong buhay, going strong ang relationship nina Dennis at Jennylyn dahil mayroon silang maayos na komunikasyon sa isa't isa.

Saad ni Jennylyn, "Napaka-importante ng communication, kung ano 'yung mga pinagdadaanan niyo, mga nagiging problema ninyo, uupuan niyo talaga. Kayong dalawa talaga 'yung magkakaintindihan."

"Yung pagsasabi ng totoo, kasi feeling ko kapag nagsabi ka naman ng totoo, hindi mo tinago 'yung totoo, hindi ka na magkakamali, 'di ba?"

Dagdag ni Dennis, "Pinaka-importante siguro maging transparent sa lahat ng mga ginagawa mo, kung saan ka pupunta, anong gagawin mo. Kailangan malaman 'yun lahat ng asawa mo, ganun din sa akin, kailangan malaman ko lahat ng tungkol sa kanya para maintindihan ko siya."

Ngayong mayroon na silang anak, aminado sina Dennis at Jennylyn na malaki na ang pinagbago ng working dynamics nila.

Kuwento ni Jennylyn, "Iba 'yung maturity naming dalawa ngayon, kasi noon konting kibot nag-aaway na kami. Mapatingin lang siya sa iba, nagagalit na ako. Medyo immature talaga."

Dagdag ni Dennis, "Oo, sobra, pareho kami. Gusto namin siyempre maging role model sa mga anak namin, makita nila na ganito dapat, dapat palaging masaya. Dapat ipakita sa kanila kung paano nagsu-survive 'yung isang relationship para makita rin nila, 'pag laki nila kung paano nila iha-handle 'pag napunta na sila sa ganung klaseng sitwasyon."

Makakasama nina Dennis at Jennylyn sa Everything About My Wife si Sam Milby, na aminadong nai-inspire sa relasyon ng dalawang Kapuso stars.

"Parang nakakainggit, 'yung kahit magkasama sa work, most people like to separate 'yung dalawang buhay, work and personal life, but they're able to do it so well," saad ni Sam.

Panoorin ang buong report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras DITO:

Mapapanood ang Everything About My Wife sa mga sinehan sa buong Pilipinas simula February 26.