'Green Bones,' umani ng 13 nominasyon sa 27th Gawad PASADO
September 03 2025
Patuloy nagbibigay ng inspirasyon ang award-winning film na Green Bones!
Dahil sa makabagbag-damdaming kuwento at mahahalagang aral na hatid nito, muling nakatanggap ng malaking pagkilala ang pelikula matapos makasama sa nominasyon ng 27th Gawad Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro (PASADO).
Kamakailan, masayang inanunsyo ng GMA Pictures ang 13 nominations ng Green Bones sa 27th Gawad Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro (PASADO).
Una, nominado ang inspirational-drama film sa kategoryang Pinakapasadong Pelikula.
Kabilang din ang ilang cast ng pelikula, kagaya nina Dennis Trillo para sa Pinakapasadong Aktor award at Ruru Madrid bilang Pinakapasadong Katuwang na Aktor.
Nominado rin ang award-winning young star na si Sienna Stevens sa Pinakapasadong Batang Aktres at versatile actress Alessandra de Rossi sa Pinakapasadong Katuwang na Aktres.
Malaki rin ang naging pagkilala sa production team. Nominado si Zig Dulay bilang Pinakapasadong Direktor, habang sina Ricky Lee at Anj Atienza ay kabilang sa nominasyon para sa Pinakapasadong Dulang Pampelikula. Kasama rin ng screenwriters sina JC Rubio at Kristian Julao, para sa Pinakapasadong Istorya.
Nominado ang iba pang bahagi ng produksyon na sina Neil Daza (Pinakapasadong Sinematograpiya), Marxie Maolen Fadul (Pinakapasadong Disenyong Pamproduksiyon), Benjamin Tolentino (Pinakapasadong Editing), Len Calvo (Pinakapasadong Musika), at Albert Michael Idioma & Nicole Rosacay (Pinakapasadong Tunog).
Samantala, nakilala ang Green Bones sa 73rd Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) bilang Best Screenplay winner. Nanalo rin sa iba't ibang kategorya ang pelikula at team sa 8th Entertainment Editors’ Choice Awards (The EDDYS).
Ang award-winning film ay pinusuan din ng netizens kamakailan sa ginanap na Hundred Islands Film Festival. Nagsilbi itong opening film ng selebrasyon sa Don Leopoldo Sison Convention Center.
Patuloy mapapanood ang Green Bones sa digital streaming platform na Netflix.
Balikan ang dazzling award ng Kapuso network sa 8th EDDYS awards:
Scroll to top
Comments
comments powered by Disqus