Jon Lucas, Nikki Co, paano pinaghandaan ang 'KMJS' Gabi ng Lagim The Movie? | GMANetwork.com - Pictures - Articles

Nakakakilabot at nakakatakot ang paghahanda at karanasan nina Jon Lucas at Nikki Co sa 'KMJS' Gabi ng Lagim The Movie'

Jon Lucas, Nikki Co, paano pinaghandaan ang 'KMJS' Gabi ng Lagim The Movie?

By KRISTIAN ERIC JAVIER

Puno ng takot at kababalaghan ang upcoming horror movie na KMJS' Gabi ng Lagim The Movie na hango sa Halloween special ng Kapuso Mo, Jessica Soho. Kaya naman ang mga bida nitong sina Jon Lucas at Nikki Co, ibinahagi kung papaano pinaghandaan ang pelikula, at ang ilang nakakakilabot na karanasan nila sa set.

May tatlong segment ang upcoming horror movie, at isa dito ay tatalakayin ang exorcism sa segment na "Sanib." Pag-amin ni Nikki talagang nakakatakot kunan, "Ayaw mo nang mangyari sa totoong buhay mo, e. So talagang before and after, kailangan mo mag-pray, at saka talagang pinatibay ko 'yung relationship ko kay Lord kasi [kapag] medyo laylay 'yung faith mo, du'n ka mas aatakihin, parang mas wala kang paniniwala, mas open ka para ma-possess."

Sa katunayan, meron pa nga silang spooky experience habang nagshu-shoot. Kuwento ni Nikki, nakarinig sila ng tumutunog na music box kahit hindi naman ito parte ng props ng kinukuhanan nilang eksena.

"Nakapalibot kami du'n sa i-e-exorcise, tapos may tumunog sa gilid. Nagtanong kami, 'May ganu'n ba dito?' 'Wala.' Ta's naghanap kami, baka may cellphone, baka may nangti-trip, wala talaga,' sabi ng Sparkle star.

KILALANIN ANG MGA BIBIDA SA TATLONG KWENTO NG LAGIM SA 'KMJS' GABI NG LAGIM THE MOVIE' SA GALLERY NA ITO:

Horror films naman ang naging sandigan ni Jon para makahugot ng emosyon at inspirasyon. Pabor din ito sa kaniya, lalo na at mahilig umano manood ng horror films ang aktor.

"Ako po ay mahilig manood ng mga horror movies talaga, gawa nang gagawin nating movie ay sariling atin, kumbaga ay Filipino movie, so ang mga pinanood ko ay 'yung mga napanood ko nu'ng bata na talagang nagbigay sa'kin ng takot," sabi ni Jon.

Bukod sa "Sanib"na pinagbibidahan ni Jillian Ward, may dalawa pang orihinal na kwento na hango sa totoong buhay ang mapapanood sa KMJS' Gabi ng Lagim The Movie, ang “Berbalang,” na pagbibidahan nina Sanya Lopez at Elijah Canlas, at “Pocong,” na pagbibidahan naman nina Miguel Tanfelix at Jon Lucas.

Panoorin ang panayam kina Jon at Nikki dito: