Dennis Trillo, excited na sa bagong MMFF 2026 entry na 'Amir'
August 11 2026
Main Image Source: dennistrillo (IG)
Sa kaniyang eksklusibong pakikipanayam sa GMA afternoon talk show na Fast Talk with Boy Abunda, ibinahagi ng Kapuso Drama King na si Dennis Trillo ang labis niyang pananabik sa kaniyang pelikulang Amir, isa sa mga opisyal na kalahok sa Metro Manila Film Festival ngayong taon.
Ayon kay Dennis, masaya siya dahil malapit nang matapos ang shooting ng pelikula. Binigyang-diin din niya na labis siyang excited dahil muli niyang nakatrabaho ang mahusay na team sa likod ng award-winning film sa MMFF 2025 na Green Bones.
“Malapit na pong matapos, sobrang excited ako dahil after Green Bones, after one year na pahinga ‘yung same team, sila rin ‘yung gagawa—sina Direk Zig, Ricky Lee, Anj Atienza, ‘yung team ng Green Bones,” pahayag ng aktor.
Ikinuwento rin ni Dennis na ang kwento ng pelikula ay nakabatay sa mga totoong kaganapan sa kasaysayan: “Tungkol po [ito] sa trahedya ng siege ng Marawi at kung papaano po naka-survive ‘yung pamilya do’n sa isang catastrophic na pangyayaring iyon sa buhay nila.”
Samantala, tinanong naman ni Tito Boy Abunda ang Kapuso actor kung ano ang nararamdaman nito sa katotohanang marami sa mga baguhang artista ang tumitingala sa kaniya bilang inspirasyon.
Ayon kay Dennis, ang paghanga mula sa mga bagong henerasyon ng artista ay itinuturing niyang isang katuparan sa kaniyang misyon bilang isang propesyonal na aktor.
“Feeling ko mission accomplished ako do’n at nagawa ko nang maayos ‘yung trabaho ko kahit papaano kung gusto akong pamarisan ng ibang mga baguhan. Siyempre masarap ‘yung pakiramdam na feeling ko role model ako sa kanila at dahil do’n, talagang inspiration ‘yon para mas pagbutihan pa kung tinitingala ka ng mga baguhan,” ani Dennis.
Bukod kay Dennis Trillo, tampok din sa Amir ang child actor na si Argus Aspiras na gaganap sa pangunahing karakter, kasama ang mga kapwa Kapuso stars na sina Will Ashley at Glaiza de Castro.
Ito ay nasa ilalim ng direksyon ng batikang direktor na si Zig Dulay, kasunod ng kaniyang matatagumpay na MMFF entries na Firefly at Green Bones. Ito naman ay isinulat ng mahuhusay na manunulat na sina Ricky Lee at Anj Atienza, batay sa orihinal na kuwento ni Ian Simbulan.
Ang inaabangang pelikulang ito ay pinagtulungang likhain ng GMA Pictures, GMA Public Affairs, at Brightburn Entertainment.
Related Gallery: IN PHOTOS: The most notable television roles of Dennis Trillo
Scroll to top
Comments
comments powered by Disqus