Dennis Trillo at Argus Aspiras, mas naging close sa set ng 'Amir'
October 14 2026
Mas lalong naging malapit sa isa't isa ang Kapuso Drama King na si Dennis Trillo at ang child star na si Argus Aspiras sa kanilang pagsasama sa Amir, ang opisyal na kalahok ng GMA Pictures sa 52nd Metro Manila Film Festival ngayong taon.
Noong Lunes, Oktubre 12, dumalo ang buong koponan ng pelikula sa opisyal na anunsyo ng ikalawang batch ng mga pelikulang pasok sa MMFF.
Kabilang sa mga dumalo sina Dennis at Argus kasama ang kanilang direktor na si Zig Dulay at ang co-writers na sina Ricky Lee at Anj Atienza.
Nagpakita rin ng buong suporta ang mga executive na sina GMA Network Senior Vice President Atty. Annette Gozon-Valdes, Executive Vice President Nessa Valdellon, at Supervising Producer JC Rubio.
Sa isang eksklusibong panayam ng Chika Minute sa 24 Oras, ibinahagi ni Dennis na ang naturang pelikula; na handog ng GMA Pictures, GMA Public Affairs, at Brightburn Entertainment, ay isang makulay at punong-puno ng fantasya na iniaalay nila para sa mga batang manonood ngayong darating na Kapaskuhan.
“This time, meron namang fantasy na element. Siyempre malakas din 'yung makahatak sa mga bata. Siyempre ngayong Pasko ay para sa mga bata, kaya para sa kanila talaga 'to,” ani Dennis.
Kasabay nito noong Lunes, inilabas na rin ng Kapuso film studio sa kanilang social media accounts ang opisyal na teaser trailer kung saan mas nasilayan ng publiko ang mga karakter na gagampanan ng bawat artista. Gagampanan ni Argus ang papel ng batang si Amir, habang si Dennis naman ang gaganap bilang kaniyang ama.
Inamin ng Kapuso Drama King na malaki ang naitulong ng kaniyang magandang samahan kay Argus sa labas ng camera upang mas maging natural at maipakita nang maayos ang emosyon ng kanilang mga karakter.
“Lagi kaming magkasama ni Argus sa shooting. Nagba-bonding kami roon para mas maganda 'yung rapport ng characters namin,” pahayag ng Kapuso actor.
Puno naman ng paghanga ang child actor na si Argus habang pinupuri ang kaniyang co-star, na ayon sa kaniya ay nagturo at nagsilbing malaking inspirasyon sa kaniya upang lalo pang pagbutihin ang pag-arte.
“Opo, mas lalo na po itong si Sir Dennis, mas magaling po siyang mag-acting sa akin,” puno ng paghangang sabi ni Argus.
Inaanyayahan din ng batang aktor ang madla na suportahan ang kanilang pelikula: “Panoorin n'yo po ito dahil makabuluhan po itong movie, madami kayong matututuhan dito.”
Kasama nina Dennis at Argus sa proyektong ito ang iba pang kilalang Kapuso stars tulad nina Glaiza de Castro, Will Ashley, Caprice Cayetano, Heath Jornales, at marami pang iba.
Inilunsad ang Amir kasabay ng tatlo pang opisyal na kalahok sa festival: ang 2nd Miracle in Cell No. 7 ng Viva Films, ang Haunted Carnival ng Regal Films, at ang The Greatest Showdown ng Star Cinema.
Related Gallery: Dennis Trillo, Green Bones, other winners at Gawad Urian 2025
Scroll to top
Comments
comments powered by Disqus