Caprice Cayetano, aminadong malapit sa puso ang pelikulang 'Amir'
October 16 2026
Nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat at labis na kasiyahan ang Kapuso young actress at A Million Dreams star na si Caprice Cayetano matapos makasama sa opisyal na cast ng Amir, ang fantasy-drama film mula sa GMA Pictures na kabilang sa 52nd Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong taon.
Sa kaniyang Instagram post, ibinahagi ng aktres na ito ang kaniyang kauna-unahang pagsabak sa prestihiyosong film festival.
Aniya, malapit sa kaniyang puso ang naturang proyekto kaya naman labis ang kaniyang pasasalamat sa lahat ng nasa likod nito.
“This film has a special place in my heart. My first MMFF movie. Thank you, GMA Pictures, for this opportunity,” sulat ni Caprice sa kaniyang caption.
Ibinahagi rin ng dalagita na hindi na siya makapaghintay at labis nang nasasabik na mapanood ng madla ang kanilang pinaghirapang pelikula sa malaking tabing ngayong darating na Kapaskuhan.
Bukod dito, buo rin ang kaniyang papuri sa mga nakasama niyang artista sa proyekto.
“Pinaghirapan namin ang project na ito. Napakahusay ng mga nakasama ko at marami akong natutunan na magagamit ko sa mga susunod kong proyekto,” ani Caprice.
Hindi rin nakalimutang magpaabot ng mensahe ni Caprice sa direktor ng pelikula na si Zig Dulay, pati na rin sa kaniyang mga co-star na sina Kapuso Drama King Dennis Trillo at ang child actor na si Argus Aspiras.
“Direk Zig, maraming salamat po sa paggabay, isa kang genius pagdating po sa pelikula,” pahayag ng Kapuso young actress.
Dagdag pa niya, “Sir Dennis Trillo, it was nice working with you again po. And Argus, congratulations in advance, alam kong malayo ang mararating mo.”
Nagtapos ang kaniyang post sa isang dedikasyon para sa mga manonood: “AMIR, munting regalo namin sa inyo ngayong Pasko.”
Dahil sa panibagong milestone na ito sa kaniyang karera, bumuhos ang pagbati mula sa kaniyang mga tagahanga at tagasuporta sa comments section. Maging si Direk Zig Dulay ay nag-iwan din ng mensahe sa aktres.
“Awww! Salamat! Work tayo ulit soonest, Cap! @capcaprice,” sulat ni Direk Zig.
Ipinakilala ang Amir kasama ang iba pang inaabangang MMFF entries ngayong taon: 2nd Miracle in Cell No. 7 ng Viva Films; Haunted Carnival ng Regal Films; at The Greatest Showdown ng Star Cinema.
Related Gallery: All the stunning looks of PBB housemate Caprice Cayetano
Scroll to top
Comments
comments powered by Disqus