Heath Jornales, tampok bilang Jamal sa GMA Pictures' MMFF 2026 entry na 'Amir'
October 21 2026
Masayang ipinasilip ng Kapuso young actor na si Heath Jornales sa kaniyang mga tagahanga at tagasubaybay ang isang mahalagang milestone sa kaniyang karera, ang pagkakabilang sa Amir, ang opisyal na entry ng GMA Pictures, GMA Public Affairs, at Brightburn Entertainment sa 52nd Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong 2026.
Sa kaniyang Facebook post, ibinahagi ni Heath ang ilang behind-the-scenes na larawan mula sa set ng pelikula. Sa kabila ng pagbubuhat ng isang malaking kahon para sa kaniyang eksena, litaw na litaw pa rin ang kaniyang angking charm.
Hindi naman itinago ng young Kapuso aktor ang kaniyang labis na kagalakan at excitement para sa kaniyang kauna-unahang pelikula at debut sa MMFF.
“My first film Amir hits cinemas Dec.25 as part of MMFF 2026. Kitakits po tayo!” sulat ni Heath sa kaniyang caption.
Kasabay nito, opisyal na ring ipinakilala ng GMA Pictures ang karakter na gagampanan ni Heath sa pelikula.
“ANO ANG DALA MONG HIWAGA, JAMAL?” pa-teaser na nakasulat sa caption ng post.
Nagbigay rin ng maikling paglalarawan ang award-winning director ng pelikula na si Direk Zig Dulay sa pagkatao ni Jamal. Sa kaniyang Instagram story kung saan kasama niya si Heath, sinabi ni Direk Zig: “Tahimik lang, pero ramdam ang lalim.”
Dahil sa magandang balitang ito, bumuhos ang pagbati at suporta mula sa kaniyang mga tagahanga na excited nang mapanood ang kauna-unahang pagkakataong lalabas siya sa big screen.
“Congratulations Heath. Ang tagal ko nang hindi nanonood ng movie, pero this time hindi ko palalampasing hindi mapanood ang first movie mo nak. It’s a date Dec. 25,” sulat ng isang fan sa comments section.
“Congratulations! Our Fighting Prince, Heath Michael Jornales.Talagang makakapanood ako ulit ng may sense at essence na movie lalo kasama ka sa mga cast at nag-improve na ng husto ang acting skills mo, you keep better and better every time I watch your acting skills,” pahayag pa ng isa.
“Congrats Heath! Sobrang nakaka-proud. See you on the big screen this December,” ani ng isang netizen.
“Excited nako anak sa magiging role mo sa Amir,” nasasabik na komento ng isang fan.
“Heath’s first film movie super excited na kaming mapanood yan!” sabi pa ng isa.
Lalong nakakapagpanabik ang pelikula dahil makakasama rin ni Heath ang kaniyang ka-love team sa “Capeath” na si Caprice Cayetano, na gaganap bilang si Soraya.
Kabilang din sa inaabangang powerhouse cast ng Amir sina Argus Aspiras bilang si Amir at ang Kapuso Drama King na si Dennis Trillo bilang si Ali, kasama ang mga batikang aktor na sina Glaiza de Castro, Will Ashley, Joel Saracho, Ronnie Lazaro, Mon Confiado, at marami pang iba.
Mapapanood ang Amir sa mga sinehan nationwide simula ngayong Disyembre 25, 2026.
Ang Amir ay nasa ilalim ng malikhaing direksyon ng award-winning director na si Zig Dulay, ang henyo sa likod ng mga pinarangalang Kapuso MMFF entries na Firefly at Green Bones.
Isinulat naman ang screenplay ng beteranong manunulat na si Ricky Lee katuwang si Anj Atienza, batay sa orihinal na kuwento ni Ian Simbulan.
Ipinakilala ang Amir kasama ang iba pang inaabangang MMFF entries ngayong taon: 2nd Miracle in Cell No. 7 ng Viva Films; Haunted Carnival ng Regal Films; at The Greatest Showdown ng Star Cinema.
Related Gallery: Heath Jornales as a multi-talented actor
Scroll to top
Comments
comments powered by Disqus