'Amir' official poster inilabas na! | GMANetwork.com - Pictures - Articles

Kakaibang hiwaga at excitement ang hatid ng bagong labas na official poster ng inaabangang entry ng GMA Pictures sa Metro Manila Film Festival 2026 na 'Amir'.

'Amir' official poster inilabas na!

By MARK JOSEPH CARREON

Sa darating na Kapaskuhan, handog ng GMA Pictures, GMA Public Affairs, at Brightburn Entertainment ang makulay, mahiwaga, at puno ng inspirasyong mundo ng Amir bilang opisyal na kalahok sa ika-52 Metro Manila Film Festival (MMFF).

Marami na ang sabik na mapanood ito sa big screen matapos maglabas ang Kapuso film production ng mga kapanapanabik na pasilip sa pelikula.

Ngayong Sabado, Nobyembre 28, mas lalo pang nadagdagan ang pananabik ng mga manonood nang ilabas ng GMA Pictures, GMA Public Affairs, at Brightburn Entertainment ang opisyal na poster ng pelikula. 

Sa poster pa lang ay mararamdaman na ang angking chemistry nina Kapuso Drama King na si Dennis Trillo at Argus Aspiras (Amir). Makikita sa poster ang madamdamin ngunit puno ng saya at pag-asang larawan nina Dennis at Argus na gaganap bilang mag-ama sa pelikula.

Mas nakadagdag din sa curiousity ng publiko ang isang makulay at mahiwagang nilalang na nakapaikot sa dalawa.

“What if we could see the world the way children do? Discover the world through Amir’s eyes. Amir is coming to cinemas nationwide on December 25,” mababasa sa caption ng post mula sa GMA Pictures.

 

Agad itong pinusuan at kinagiliwan ng fans online, na labis ang excitement na mapanood ang kanilang mga paboritong artista sa mga sinehan.

Abangan ang muling pagbabalik ni Dennis sa big screen kasama ang isa sa pinakamahuhusay na child actor ng kaniyang henerasyon na si Argus Aspiras. 

Makakasama rin nila ang iba pang kilalang Kapuso stars tulad nina Glaiza de Castro, Will Ashley, Caprice Cayetano, Heath Jornales, at marami pang iba.

Mula sa malikhaing grupo sa likod ng mga award-winning Kapuso MMFF entries na Firefly at Green Bones, muling inihahandog ni Direk Zig Dulay ang Amir; mula sa panulat nina Ricky Lee at Anj Atienza, at batay sa orihinal na kuwento ni Ian Simbulan.