(Talumpati sa pagtatapos ng Investigative Journalism conference sa Quezon City, ika-15 ng Nobiyembre 2025)
---
Bukod sa masarap kayong lahat kasama, nakakabigay kayo ng pag-asa. Dumarami ang hamon sa atin.
Ang ibig sabihin ng pagdalo niyo rito at yung pagbubuklod natin ay isa tayong komunidad na may iisang layunin at misyon, at iyon ay panindigan na mahalaga ang katotohanan at mahalaga ang journalism sa lipunan.
Sa ibang panahon, hindi na kailangan sabihin yan.
Ngunit sa mga nakaraang araw nabatid muli nating lahat na tumitindi at humihirap ang misyon.
Isa itong bagong panahon. Isang panahon kung saan umaalingawngaw ang mundo sa nakamamangha pero nakakagulat na teknolohiya. Nakaka-excite, oo, pero nakakatakot din. Malakas ang kutob natin. Kutob na baka ang mga makabagong teknolohiyang ito, gaano man kaganda, ay lalong gamitin laban sa katotohanan. Takot na baka palitan tayo — ang ating trabaho, maging ang ating pagkatao.
Narinig na natin ang mga tanong:
Magiging lipas na ba ang mga mamamahayag?
Matatabunan ba ng AI content ang tunay na boses ng mga tao?
Mga tanong na nakakabagabag at nakakapuyat. Pero naniniwala ako — oras na para tumigil sa pagdepensa at magsimulang lumaban. Offensive and not just defensive.
Panahon na para kilalanin, angkinin, at gamitin ang mga teknolohiya ng bagong panahon, at gamitin ang mga ito para palakasin ang ating kakayahang maghatid ng katotohanan. Maaari, at dapat, tayong maging mas matalino, mas mabilis, mas malikhain, at mas epektibo.
Tingnan n’yo ang ginawa ng iba nating kasamahan sa paggamit ng big data, at ng mga bagong kaalaman at teknolohiya. Natutunton nila ang mga pattern ng pang-aabuso, at inilalantad ito sa mga makabuluhang mga kuwento. Dahil sila’y savvy sa mga bagong plataporma, hindi sila kontento sa pagsusulat. Multimedia ang atake nila para lalong mapansin at lumalim ang impact.
Hindi tayo papalitan ng teknolohiya. Bagkus, pahuhusayin tayo nito.
Pero hindi sapat na gawin lang natin ang ginagawa na natin, kahit gaano pa kahusay. Ang tunay na hamon — at ang tunay na oportunidad — ay nasa pagpapalawak ng ating saklaw at pagbubukas ng mas malaking larangan sa pakikipagtulungan.
Kaya dumalo rin at tinuruan tayo ng mga eksperto tulad nila Ken Abante, Janina Santos, Carl Javier, Karol Ilagan, Carlos Nazareno, at iba pang nais ding magbuklat ng katotohanan.
Kailangan din natin makipag-ugnayan sa mga influencer, content creator, at vlogger.
Sila na ang napakalaking hukbo ng mga storyteller na kayang humubog ng opinyon ng publiko. Ang Instagram stars at TikTokers — aminin natin, sila na madalas ang may mas malaking audience.
Hindi natin sila itinuturing na journalist, at marami sa kanilang ayaw tawagin ang sarili na journalist.
Ngunit ilan sa kanila ay sumusunod na sa ating mga panuntunan. Ang hamon ay paramihin ang mga ito. Marami sila sa paligid ninyo na nakakasalamuha ninyo. Maaari sila makadagdag bilang sandata ng katotohanan.
Kaya sana umuwi tayo sa ating mga sariling mundo at palawakin ang pagpapahalaga ng katotohanan sa buong lipunan.
Kailangan nating harapin ang realidad na lumalakas ang mundo ng kasinungalingan, o world of lies, na kailangan labanan ng isang lumalawak at lumalakas din na isang universe of truth.
Isang malaking hakbang ang nangyari rito.
(Ang matagal nang journalist ng GMA na si Howie Severino ay isa ring co-founder ng PCIJ.)
