What's Hot

Kilalanin si 'The Clash' Season 3 grand champion Jessica Villarubin!

By Dianara Alegre
Published December 22, 2020 11:14 AM PHT

Around GMA

Around GMA

Most parts of PH to see cloudy skies, rain due to 3 weather systems
GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa 8,000 nasalanta ng Bagyong Tino sa Dinagat Islands | 24 Oras
These hotel offerings are perfect for the holidays

Article Inside Page


Showbiz News

Jessica Villarubin


Dahil sa angking talento sa pag-awit, lakas ng loob, at determinasyon, si Jessica Villarubin ang itinanghal na 'The Clash' Season 3 grand champion.

Ang Cebuana Diva na si Jessica Villarubin ang itinanghal na grand champion sa katatapos lamang na ikatlong season ng reality singing competition na The Clash nitong Linggo, December 20.

Inawit ng bagong kampeon ang classic OPM hit na “Habang May Buhay,” na nagpabilib sa The Clash judges na sina Aiai Delas Alas, Christian Bautista, at Pops Fernandez.

Jessica Villarubin itinanghal na The Clash Season 3 grand champion

Source: jessicavillarubin (Instagram)

Sa panayam ng 24 Oras, inamin ni Jessica na hindi niya inaasahan ang pagkapanalo, lalo na dahil may pagkakataong naisipan niya nang sumuko dahil hindi umano madali ang makasali sa kumpetisyon.

Natakot daw kasing lumuwas ng Maynila mula Cebu si Jessica sa gitna ng coronavirus pandemic dahil siya rin ang breadwinner ng kanilang pamilya.

Bukod sa husay sa pag-awit, naging susi rin sa kanyang pagwawagi ang lakas ng loob at determinasyong maiahon sa hirap ang pamilya.

“Parang ayoko na pero as in po nag-risk po ako.

"Nagpunta po talaga ako sa Manila kasi po matagal ko na po pinangarap 'to.

"Masaya rin po ako na marami rin pong tumulong sa akin financially po kasi hirap din po kami,” lahad ni Jessica.

Laki sa hirap si Jessica. Labandera ang kanyang ina at sa siyam na magkakapatid ay siya lamang ang nakatapos ng pag-aaral.

Nagawa niyang makapagtapos ng kolehiyo sa pamamagitan ng pagkanta.

“Kailangan ko po kumanta nang kumanta para may tuition po ako na ibabayad ko sa school.

"Kailangan ko po mag-gig para makatapos po ng pag-aaral para matustusan ko rin po 'yung pangangailangan ng pamilya ko,” aniya.

Ang pagtatapos ng The Clash Season 3 ang hudyat ng bagong simula para kay Jessica at sa kanyang pamilya dahil, bukod sa opisyal na pagpasok niya sa local music industry, nakapag-uwi siya ng mahigit PhP4 million pesos worth of prizes. Kabilang dito ang house and lot, kotse, GMA management contract, PhP1 million cash prize.

Ibinahagi rin ni Jessica ang paglalaanan niya ng premyong natanggap.

“Tutulong din po ako sa pag-aaral ng kapatid ko, mga anak ng mga kapatid ko. Tsaka negosyo rin po para sa pamilya ko,” aniya.

Si Jessica ang ikatlong The Clash grand champion kasunod nina Golden Cañedo at Jeremiah Tiangco.

Hosts at judges sa The Clash

Samantala, may espesyal na handog ang singing competition ngayong Pasko, ang The Clash Christmas Special: Pasko Para Sa Lahat, kung saan tampok din sina Clash Masters Julie Anne San Jose at Rayver Cruz, Journey Hosts na sina Ken Chan at Rita Daniela, atThe Clash judges kabilang si Lani Misalucha.

Mapapanood ang The Clash Christmas Special: Pasko Para Sa Lahat sa December 25, pagkatapos ng 24 Oras.