TV

Magbabalik sa GMA ang pinaka-astig na robot sa mundo ng anime, 'Voltes V'

By MARAH RUIZ

 

 

Handog ng GMA Astig Authority ang pagbabalik ng iconic Japanese anime na Voltes V sa ika-40 anibersaryo nito. 
 
Balikan ang pagtatanggol sa mundo ng Super Electromagnetic robot na si Voltes V laban sa mga Boazanians na mananakop!
 
Ang Voltes V ay binubuo ng limang Volt Machines na nagsasamasama para maging isang malaki at makapangyarihang robot. Idinisenyo ito ni Doctor Ned Armstrong at pinapaandar ng limang piling piloto.
 
Si Steve Armstrong, ang tumatayong team leader ng mga piloto. Co-pilots niya ang kanyang mga kapatid na sina Big Bert at Little John, pati na sina Jamie Robinson at Mark Gordon.
 
Magkakasama nilang lalabanan ang Boazanians na pinamumunuan ni Prinsipe Zardoz. 
 
Ipahihiram ng brightest young stars ng Kapuso network ang kanilang mga tinig sa mga karakter ng Voltes V
 
Si Kapuso leading man Derrick Monasterio ang magiging voice actor ni Steve Armstrong. Ang ka-love team niyang si Bea Binene naman ang voice actress ni Jamie Robinson.
 
Si Ken Chan ang magbibigay tinig kay Prince Zardoz, habang ang kanyang Meant To Be co-star na si Jak Roberto naman ang magbibigay-buhay kay Mark Gordon.
 
Ipahihiram naman ni Hiro Peralta ang kanyang boses kay Big Bert Armstrong. 
 
Huwag palampasin ang pagbabalik ng pinaka-astig na robot sa mundo ng anime, Voltes V, simula March 27, Lunes hanggang Biyernes, 8:25 am sa nangungunang GMA Astig Authority.