Lharby Policarpio ng 'To The Top,' sa charity nag-birthday

August 5, 2015

By MARY LOUISE LIGUNAS

 
Sa nakalipas na apat na taon, sa isang charity sine-celebrate ni Lharby Policarpio ang kanyang birthday. Kinuwento ng Pretty Boy ng Tondo na nakagawian na niyang ibahagi ang kanyang mga blessings sa beneficiaries ng Little Sisters of the Poor sa Pasay, bilang pasasalamat sa Diyos.
 
“Pa-thank you ko po 'yun sa blessings ko,” sinabi ng To The Top trainee.
 
Ayon kay Lharby, iba’t ibang klaseng hirap na ang kanyang napagdaanan sa buhay kaya’t mas na-a-appreciate niya lahat ng meron siya at mas inspired siya na tumulong hanggang sa abot ng kanyang makakaya.
 
“Dumating sa point na konti lang naipon ko tapos sobrang na-down ako tapos wala akong perang pang-checkup. Kinontact ko na friends ko [kahit sobrang] nahihiya ako. Tapos sila nagbayad. Sabi ko sa sarili ko na hindi na mangyayari 'yun, mag-iingat na ako at mag-iipon ako,” kuwento ni Lharby.
 
Nagpursige si Lharby at patuloy ang kanyang paghahanap ng opportunities para pagbutihin ang sarili at makapagtrabaho para sa pamilya.
 
“Nakaipon ako [kahit papano], nakatulong ako sa family ko tapos sabi ko sa sarili ko na pa-thank you ko [ay magiging charitable ako],” aniya.
 
Higit sa tulong pinansyal na naaabot niya sa napiling charity, nakikita niya ang kahalagahan ng pagpapaalala sa iba na may kaagapay sila sa buhay.
 
“Babalik naman 'yung pera. [Mahirap man i-earn pero dadating 'yan]. Saka kung meron kang extra, bakit hindi mo i-share? Kaya ganun ginagawa ko every year,” dagdag niya.
 
Imbis na magpa-birthday siya sa barkada niya, sinasama niya sila sa kanyang outreach doon.
 
“Lagi kong sinasama friends ko. Nung una, ayaw nila. Ako nagsasabi na i-try nila, ako naman gumagastos lahat. Pasasayahin lang natin sila, kanta, kuwentuhan. Hanggang dumating sa point na nag-e-enjoy na sila hanggang sa minahal na nila hanggang lagi na sila sumasama sa ‘kin,” sabi niya.
 
Inaamin ni Lharby na na-a-attach na rin siya sa beneficiaries ng foundation at ito ang kumukumpleto sa kaarawan niya taon-taon.
 
“Pagkatapos nun, nakukumpleto na araw ko. Ang sarap sa pakiramdam,” idineklara ni Lharby.

SEE ALL STORIES >