Martin de Vera, emosyonal pagdating sa pamilya

August 10, 2015

By CHERRY SUN


Tinaguriang Mr. Personality ng To The Top si Martin de Vera. Umaapaw man sa karisma, aminado rin siyang nagiging emosyonal siya lalo na kapag pamilya niya ang napag-uusapan.
 
Kuwento niya, nagkakasundo silang lahat sa pamilya at thankful siya sa suporta mula sa kanila. Gayunpaman, tila may pwede pang i-improve ang relationship nila lalo na sa pagitan niya at ng kanyang ama.
 
Pag-alala ni Martin sa huli nilang pagkikita after ng isang performance, “Hinug ko siya pero hindi siya nakatingin sa akin. Ayaw namin magpakitaan na emotional kami, na nami-miss namin ‘yung isa’t isa. Lumayo muna ako kasi sobrang miss ko sila ng mom ko.”

“Siguro ayaw niya ipakita sa akin na malungkot siya na malayo ako sa kanila,” dugtong nito.
 
 Sadyang tahimik lang daw si Mr. Emmanuel Cabalda. Sa katunayan kasi, siya ang nangarap para kay Martin para sa career nito.
 
“Bata palang ako, siya na naging first teacher ko sa singing, sa guitar. So siya ‘yung medyo nagpu-push sa akin. Siguro part na rin ng dream ng dad ko na makilala ako as a singer, as a performer,” kuwento ni Martin.
 
Aniya, ito ang lagi niyang tinatandaan sa kanyang bawat performance.
 
“Para sa kanila naman ‘to, para maging proud sila sa akin and at the same time matupad ‘yung pangarap ko talaga sa sarili ko na pinangarap din ng mga magulang ko,” sambit niya.

SEE ALL STORIES >