Trending sa social media ang video na makikita ang isang SUV na may plakang "8" na sumisingit sa mga sasakyan sa Quezon City at tila hinahabol ang isang motoristang babae. Ang naturang plaka, karaniwang nakakabit sa sasakyan ng mga kongresista.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, ipinakita ang kuha sa dashcam ng sasakyan na hinahabol at ginigitgit umano ng SUV na may plakang 8.

Bagaman January 2017 ang time stamp sa video, nilinaw ng uploader na nangyari ang insidente nito lamang sabado sa bahagi ng Congressional Avenue sa Quezon City.

Sa video, makailang ulit na gumitgit ang SUV at may pagkakataon pa na halos mabunggo na nito ang sinusundan na motorista na babae ang nagmamaneho.

Madidinig din sa video na tinanong ng motoristang babae ang driver ng SUV kung bakit siya hinahabol at ginigitgit.

Hinala ng motorista na uploader din ng video na si Kim Dela Cruz, posibleng hindi nagustuhan ng driver ng SUV na nasingitan siya kaya ganon na lamang ang pagbuntot nito sa kaniya.

"Binabaan ko na siya ng window noon tapos tinanong ko siya kung ano ang problema niya, eh hindi naman siya nagbaba ng window niya at naka-heavy tinted po siya," sabi ni Dela Cruz.

Inaalam pa ng GMA News kung sino ang may-ari ng sasakyan na may plakang "8" na dapat na mga kongresista lang ang gumagamit.-- FRJ, GMA news