Inihayag ng kontrobersiyal na aktor na si Baron Geisler na handa na siyang sumailalim sa rehabilitasyon. Pero hiniling niya sa kaniyang pamilya na sagutin ang kaniyang gastusin sa pagpapagamot.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News TV "QRT" nitong Miyerkoles,  sinabi umano ni Baron na handa na siyang pagbigyan ang kagustuhan ng kaniyang pamilya na magpa-rehab siya.

READ: Bayaw ni Baron, handang iurong ang demanda kung magpapa-rehab ang aktor

Gayunman, nais niya na ang pamilya niya ang sumagot sa buwanang gastusin sa rehab para hindi umano siya mawalan ng bahay at sasakyan paglabas niya.

Nagpapasalamat din ang aktor sa ilang mga kaibigang pastor na dumalaw sa kanya na nagpalinaw daw sa kaniyang isipan at nagdala rin ng pagkain.

Aminado umano si Baron na mali ang nagawa niya sa pamangkin at ang pagwawala niya sa bahay ng kaniyang bayaw.

Pero hindi raw niya matandaan na pinagbantaan niya ang buhay ng kaniyang bayaw na si Michael Robin Stone Morales.

Inaresto si Baron nitong Lunes sa Angeles City, Pampanga, matapos na sumugod at magwala sa bahay ng mga Morales.

Ilang araw bago nito, nagkasuntukan na rin ang magbayaw.

Sinabi ni Morales na handa niyang iurong ang demanda sa bayaw kung papayag ang aktor na magparehab. -- FRJ, GMA News