Kilala sa kaniyang paggawa ng sexy films sa Vivamax, inamin ni Angeli Khang na nakatatanggap siya ng indecent proposals, at hindi niya maiwasan na masaktan.

"Yes ang dami po, ang daming nagcha-chat sa akin sa Instagram. Tapos maraming beses na nagme-message 'yung iba kong friends, tine-text daw sila sa Telegram. Tapos meron pang mga nagba-viral," paglalahad ni Angeli sa “Updated with Nelson Canlas” podcast.

“Up until now, parang naaapektuhan rin ako kasi minsan iniisip ko, wala naman akong ginagawa. Alam ko sa sarili ko na I took my mom's advice. Isinapuso ko po talaga 'yung advice na wala akong tatapakan na tao, mahal ko 'yung ginagawa ko," pagpapatuloy niya.

Inilahad ni Angeli na nasasaktan siya sa ginagawa ng ilang tao dahil sa kanilang pananaw tungkol sa kaniyang propesyon.

"Kaya po kapag may nakikita akong gano'ng mga issue, nasasaktan ako, dahil ba nagsimula ako sa ganitong career, kaya 'yan ginagawa ng mga tao? O marami ba talagang nagseselos sa mga asawa at jowa nila?” anang Vivamax A-lister.

Sinasagot pa ni Angeli ang mga ito noong una, ngunit natuto rin kalaunan na huwag nang pansinsin ang mga ito.

“At first nire-reply-an ko po na, 'Sorry hindi po ako nagga-ganiyan, I don't do that.' Pero ngayon, hindi ko na sila nire-reply-an kasi nga paulit-ulit na lang."

“Tsaka kung alam lang nila kung magkano 'yung nakukuha ng mga artist na ginagawa ang films na gano'n, siguro walang magkaka-issue na may indecent proposals na ganiyan," dagdag niya.

“But kahit naman po ganu'n ang nakukuha ng artists, I think depende pa rin sa individuals kung paano nila ite-take 'yun, I think."

Natatawa namang ikinuwento ni Angeli na may mga pagkakataon na nag-aaway ang ilang magnobyo dahil sa kaniya.

"Wala pong nang-away, pero may nakita akong nag-aaway sa harap ko. Trabaho lang po!" sabi niya.

Napapanood si Angeli bilang si Nimfa sa GMA Prime series na “Black Rider.”

Kissing scene agad ang unang eksena nila ng bida nitong si Ruru Madrid, at mas lalo pang mag-iinit ang kuwento sa pagpasok ng kaniyang karakter. —KG, GMA Integrated News